HU - Chapter 1

 


*** CAZER'S POINT OF VIEW ***



Lunes ng umaga at malakas ang buhos ng ulan. Ito ang pinakamagandang panahon para sa akin, malamig ang paligid at presko ang simoy ng hangin. Kapag ganito ang panahon ay nililibang ko ang aking sarili sa pagbabasa ng aklat dito sa balkonahe ng aking silid, matatagpuan ito sa mataas na bahagi ng kastilyo at mula rito kapag maaraw ay matatanaw ang malawak na kagubatan sa hilaga. Nakasanayan ko nang gawin ito simula nang mapilitan akong lumipat at mag-aral dito sa Highness dahil sa pinsan kong si Fame, kung sa bagay hindi na masama ang mag-aral dito, sa katunayan gustong-guto ko na ang lugar na ito ngayon. Isang prestigious school na nasa paanan ng bundok, malayo sa kabihasnan, malayo sa ingay at gulo ng mga tao. Ang lugar na ito ay gustong-gusto ko dahil tahimik at malamig ang klima, saktong-sakto ito sa panlasa ko.



Kasalukuyan akong nakaupo sa malaking kahoy na silya dito sa balkonahe ng aking silid at may hawak na lumang aklat. Nakasuot na ako ng uniporme pero hindi ako pumasok sa klase at pinili kong magbasa na lang dito. Saglit akong tumigil sa pagbabasa at binalingan ko ang ulan sa labas na malayang dinidiligan ang mga damo, mga halaman at mga puno. Kapag may araw ay natatanaw ko ang malagong kagubatan mula rito pero sa lakas ng buhos ng ulan ngayon kahit anino nito ay hindi ko makita.



Tok! Tok! Tok!



Tatlong magkakasunod at malakas na katok ang umagaw sa aking pansin. Lumingon ako sa pinto at tutugon pa lang sana ako ng 'pasok' nang biglang bumukas iyon at iniluwa si Fame na nakasuot ng all white school uniform. Dumiretso ito sa direksyon ko at iniwang nakabukas ang pinto.



"Si Shero wala sa silid niya," agad na sabi ni Fame nang makalapit ito sa'kin.



"Baka naisipan niya nang pumasok sa klase?" tugon ko.



Isang linggo na rin ang matuling na lumipas nang kunin namin si Shero para dito mag-aral sa Highness at sa buong isang linggong iyon ay wala itong ibang ginawa kundi ang magkulong at magmukmok sa kanyang silid.



"Tinignan ko na ang schedule niya at pinuntahan sa classroom pero wala siya doon," ani Fame na nag-aalala.



Alam ko kung ano ang pinaghuhugutan ni Fame kaya naiintidihan ko ang labis na pag-aalala niya sa kanyang kapatid. Tumayo ako at nilapag ko ang hawak kong aklat sa silya at hinarap ito.



"Nagpatulong ka na ba na hanapin siya?" tanong ko.



Tumango si Fame bilang tugon.



"Sige tutulong ako sa paghahanap," sabi ko.



Biglang dumating ang naka-unipormeng si Lilyu at tumuloy ito sa nakabukas na pinto. Mabilis itong lumapit sa amin.



"Nakita niyo na ba si Shero?" ani Fame.



"May nagsabi sa'kin na nakita raw nila si Shero na lumabas ng kastilyo at mukhang patungo sa greenhouse," pagbibigay impormasyon ni Liyu.



Pagkarinig ko ng greenhouse ay gulo agad ang unang pumasok sa isip ko, merong limang estudyante ang naghahari-harian sa lugar na iyon at ayaw nilang may ibang estudyante na pumapasok roon maliban sa kanila. Ang greenhouse na iyon ay nasa likuran ng kastilyo at medyo may kalayuan.



"Sige pupuntahan ko ngayon," sabi ko.



"Sasama ako," sabi ni Fame.



"Ako na lang, doon niyo na lang ako hintayin sa turret," sabi ko. Ang tinutukoy ko na turret ay tore na nasa  timog na bahagi ng kastilyo. Iyon ang palagi naming tinatambayan na magpipinsan kasama ang iba naming mga kaibigan.



Nakita kong tumango si Fame hudyat ng pagsang-ayon. Iyon lang ang hinihintay ko at ginamit ko na ang aking kapangyarihan, nagbukas ako ng black portgate na patungo sa loob ng turret at doon pumasok sina Fame at Lilyu. Pagkatapos maglaho ng black portgate ay nagteleport naman ako sa loob ng malaki at malapad na greenhouse. Bilang isang time space manipulator marami akong kayang gawin at dalawa na roon ang gumawa ng portgate at magteleport.



Lumitaw ako sa likod ng malalagong halaman at mula rito ay narinig ko ang mga boses sa di kalayuan. Sumilip ako sa mga dahon at nakita ko si Shero na nakasuot ng Highness uniform, nakatayo ito at kaharap ang crown prince na si Rovder kasama ang apat nitong mga kaibigan na mga lalaking noblee.



"Bingi ka ba? Ang sabi ko sino ang nagbigay sa'yo ng permiso na pumunta dito sa teritoryo ko?" narinig kong angil ni Rovder kay Shero. Hindi sumagot si Shero at tinitigan lang siya nito. "Hindi mo ba ako kilala? Gusto mo dumugo muna 'yang nguso mo bago ka sumagot?" dagdag pa nito.



"Baka gusto niyang matikman kung ano ang lasa ng kamao mo," sabi ng isang kasama ni Rovder.



"Oo nga, patikimin mo na, huwag kang madamot," segunda pa ng isa.



Batay sa mga naririnig ko ay mukhang mapapasubo si Shero, gusto ko sanang pahintuin ang oras at kunin na lang ito para makaiwas na sa gulo pero gusto kong makita kung papaano niya haharapin ang limang 'to kaya pinigil ko ang aking sarili na makialam.



Nagsalita si Shero, "Bibilang ako ng sampu para umalis kayo, pagkatapos kong bumilang at nasa harapan ko pa rin kayo, babaliin ko iyang mga braso niyo," mahinahon ngunit may banta na sabi nito.



"Aba at pinagbabantaan mo pa kami. Gusto mo talagang makatikim," sabi ni Rovder at isang suntok ang dumapo sa kaliwang pisngi ni Shero.



Hindi natinag si Shero at nakita ko ang pagdaloy ng dugo sa gilid ng labi nito, tinitigan niya si Rovder at nagsimulang magbilang, "Isa... dalawa... sampu..." tinapos agad nito ang pagbilang.



Nakita kong tinaas ni Shero ang dalawang kamay niya at ginamit sa lima ang kanyang kapangyarihan na blood manipulation. Ito ang unang pagkakataon na makita ko iyon sa personal. Nakita ko kung paano niya binali ang bawat kanang braso ng lima nang walang kahirap-hirap. Nagulat ako sa aking nasaksihan, hindi ko inaasahang tutuhanin niya ang kanyang banta.



Malakas na daing ng lima ang sunod na sumabay sa ingay ng malakas na ulan. Marahil ngayon matututo na ang mga ito na huwag maghamon sa hidden na hindi nila kilala.


Continue Chapter 2