YYU - Chapter 106: Dark Side (Part 1)

 


*** SHERO'S POINT OF VIEW ***



'Tama na!' sigaw ko sa aking isip at nakita kong bumagsak nang padapa sa basang damuhan si Akreanie. Sunod ay natagpuan ko ang aking sarili na humahakbang palapit dito. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, pagkatapos ng pitong hakbang ay kusang huminto ang mga paa ko sa tabi nito.



'Shero masyado kang mabait para maawa sa bampirang ito,' matigas na sabi ng aking isip at nakita kong umangat ang kanang paa ko at inapakan ang ulo ni Akreanie na nakasubsob sa damuhan.



'Anong ginagawa mo? Tama na. Hindi niya na kaya pang lumaban. Panalo ka na kaya itigil mo na 'to,' pagsusumamo ko sa aking isipan.



Narinig kong tumawa nang mahina ang aking sarili, 'itigil? Nakakatawa ka Shero. Kanina lang nang atakehin ka ng bampirang 'to at ngayon gusto mo 'kong patigilin dahil naaawa ka sa kanya? Naawa ba siya kanina sa'yo? 'Di ba hindi?' sumbat ng aking isip at lalong dumiin ang hindi ko makontrol na paa ko sa ulo ni Akreanie.



'Nakaganti ka na, subra-subra pa kaya pakiusap itigil mo na 'to,' sabi ko sa aking isip. Hindi ko na alam kung anong sasabihin ko para awatin itong sarili ko sa mga nangyayari. Nag-aalala ako sa kalagayan ni Akreanie, kahit sabihin pang bampira siya at mabilis ang healing ability niya, sa tinamo niyang pinsala mula sa blood manipulation ay siguradong mahihirapan siyang makabawi.



'Pwede ba Shero 'yang bibig mo ang pigilin mo sa kakadakdak? Huwag mo 'kong igaya sa'yo na mabait. Masyadong malambot ang puso mo kaya ka nauuto!' sabi ng aking isip na sandaling huminto sa pagsasalita at parang nag-isip nang mabuti sa sunod niyang sasabihin, 'makinig ka, total nakausap mo na rin lang ako kaya hindi na 'ko magpapaliguy-ligoy pa, ako si Shino at ako ang isa mong katauhan, ako ang 'yung kabaligtaran.'



Sandali akong natigilan, 'Anong ibig mong sabihin?' nagtatakang tanong ko.



'Simpli lang, ako ang masamang ikaw. Ako ang masama mong pagkatao. Dalawa tayo sa katawang ito pero magkaiba at hindi konektado ang isip at emosyon natin, sa madaling salita hindi natin kontrolado ang kilos ng bawat isa.'



'Ikaw ang masamang ako? Pero paanong...' naputol ang aking sasabihin.



'My God Shero pwede ba tumahimik ka na lang? Naririndi na 'ko sa'yo. Kung gaano ka kahina ganu'n ka rin kakitid at ka walang alam,' matigas na sabi ng isa kong katauhan na para bang naubusan na ito ng pasensya.



Sa pagkakataong ito ay hindi na ako umimik at nag-isip na lamang. May isa akong katauhan at nagpakilala ito bilang Shino. Siya ang masamang ako, ang kabaligtaran ko. Hindi imposibli na magkaroon ng split personality ang isang tao dahil marami na akong nabasang mga documentary tunkol sa bagay na ito. Ang hindi ko lang alam ay kung paano ito nangyari sa'kin at kailan pa?



Tama si Shino sa kanyang sinabi, magkaiba kami ng isip at emosyon kaya hindi namin makokontrol ang kilos ng bawat isa. Sa aking opinyon ito ay hindi maganda. Paano ko mapipigil ang isa kong katauhan sa kanyang ginagawa kung hindi ko siya makokontrol? At anong gagawin ko para muli kong makontrol ang katawan ko? Iyon ang hindi ko alam. Wala akong ideya.



'Shino ibalik mo na sa'kin ang pagkontrol sa katawan ko,' may diin na sabi ko.



Mabilis siyang tumugon, 'Iyon ang hindi ko gagawin,' pagtanggi nito.



Pagkatapos kong marinig ang tugon ni Shino ay natagpuan ko ang aking sarili sa madilim na lugar. Nakagapos ang mga kamay at paa ko sa makapal na kadena at ang tanging naaaninag ng aking paningin ay ang sarili ko at ang rehas na bakal sa aking paligid. Tila isa akong bilanggo sa madilim na kawalan. Hindi ko alam kung ano at paano ito nangyari pero alam ko ito ay mali. Hindi ako dapat nandito sa lugar na ito, hindi ako bilanggo para mapunta dito.



Lumapit ako sa bakal na rehas at kumapit doon. Inaasahan ko nang malamig iyon kaya hindi na ko nagulat nang madama ko sa aking palad ang kalamigan nito. Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko at tumingala. Tumingala ako sa pag-aakala na may makikita akong munting liwanag sa taas pero bigo ako. Kadiliman ang tumunghay sa'kin. Binawi ko ang aking paningin at binalingan ko ang aking madilim na paligid na napapalibutan ng matatayog na rehas. Nakakadismaya, kahit saan ko ibaling ang paningin ko, dilim ang nakikita ko.



'Shino anong ginawa mo? Ilabas mo 'ko dito!' malakas na sigaw ko. Si Shino ang nagkulong sa'kin sa lugar na ito kaya inaasahan kong siya rin ang maglalabas sa'kin dito.



Hinintay ko ang tugon ni Shino pero wala. Sumigaw ulit ako, paulit-ulit. Maraming beses. Hindi ko na mabilang kung ilan. Pahina nang pahina ang sigaw ko pero wala, wala akong tugon na narinig mula sa kanya.



Lumuwag ang kapit ko sa rehas na bakal at ilang saglit pa ay tuluyan nang bumigay ang mga kamay ko sa pagkakahawak doon. Kasabay nu'n ay bumigay din ang mga tuhod ko at napasalampak ako sa malamig na sahig na yari sa semento. Nagdulot naman ng ingay sa paligid ang kadena sa mga kamay at paa ko nang tumama ang mga iyon sa semento, tila nakikisimpatya ang mga ito sa sinapit ko.


Continue Chapter 107