YYU - Chapter 115: Finale!

 *** SHERO'S POINT OF VIEW ***




Isang panaginip, ang panaginip na iyon ang laman ng isip ko. Dalawa ang katauhan na meron ako, o baka hindi lang dalawa, baka may pangatlo, pang-apat o panlima pa. Hindi ko alam kung paano nangyari ito dahil tulad nga ng sinabi ni Shino ay merong nagbura sa mga alaala namin. Sino kaya iyon at bakit niya ito ginawa?

"Shero, may problema ka ba? Mukhang ang lalim ng iniisip mo?"

Naputol ang aking iniisip at napaangat ako ng tingin kay Lilyu na nagsalita, kasalukuyan kaming magkaharap na dalawa habang nakaupo sa magkabilang silya sa maliit na mesa dito sa kusina ng visitor's house.

"Huh? Ah wala," ikling sagot ko. Ang totoo'y marami akong iniisip, kung nababasa lang siguro ni Lilyu ang iniisip ko marahil pati siya ay maguguluhan. Punong-puno ng mga katanungan ang isip ko at hindi ko alam kung saan ko hahanapin ang mga sagot para dito. 

Para maiwasan ko ang nagtatanong na mga mata ni Lilyu ay binaba ko ang aking paningin sa plato sa aking harapan na wala ng laman at tahimik kong dinampot ang katabing baso ng tubig na nangangalahati na at ininum. Pagkatapos kong maubos ang laman niyon ay nilapag ko ulit ito sa mesa at tinapunan ko ng tingin ang wall clock na nakasabit sa mataas na puting pader sa kaliwang bahagi ko.

Alas dos y media na ng madaling araw, mga trenta minuto na rin ang matuling na lumipas nang magising ako. Paggising ko kanina ay si Lilyu agad ang una kong nakita dahil bukod sa kasama ko ito sa silid ay naabutan ko itong gising at nagbabasa ng libro. Sinamahan ako nitong bumaba dito sa kusina para kumain dahil nakaramdam ako ng pagkagutom.

Ang presensya ni Lilyu ay nagdulot sa'kin ng pagkaasiwa. Paano ako kikilos at magsasalita ng normal sa harap niya na para bang walang nangyaring kakaiba sa akin? Sabado na ngayon ng madaling araw at kahapon sa buong araw ng biyernes ay hindi ko alam kung ano ang mga nangyari, hindi ko alam ang mga pinanggagawa ni Shino kaya hindi ko alam kung paano ako kikilos nang hindi niya nahahalata na may salitan na naganap sa katawan ko.

Gustong-gusto ko nang itanong kay Lilyu ang result ng final game pero papano ko gagawin iyon? Magtataka siya na hindi ko alam, dahil nga ginamit ni Shino ang katawan ko kaya ibig sabihin dapat alam ko ang mga nangyari kahapon. As much as possible dapat walang ibang makaalam na meron akong split personality dahil baka isipin ng mga tao at hidden na nababaliw ako. Pagsapit ko ng 18 ay magiging crown prince ako, ano na lang ang iisipin ng mga hidden na sakop ng kaharian namin kapag nalaman nila na may split personality ako? Iisipin nila na ang crown prince ng Rosaria ay isang baliw. Dapat akong mag-ingat, walang ibang pwedeng makaalam ng sekreto ko.

"Congrats nga pala," ani Lilyu pagkaraan ng ilang sandali.

Napatingin ako dito, ano ang ibig niyang sabihin na congrats? "Para saan?" tugon ko at nakita kong nagsalubong ang mga kilay nito. "Ang ibig kong sabihin, bakit ngayon mo lang sinabi 'yan?" sabi ko.

"Ngayon ko lang sinabi kasi ngayon ka lang nagising. Hindi mo ba naalala nong lumabas ka ng portgate bigla ka na lang nawalan ng malay at pagkatapos no'n buong araw ka nang natulog?" ani Lilyu.

"Sandali Lilyu, ibig mong sabihin ay black portgate? Tama?" curious na tanong ko. Kumunot ang noo nito at saka tumango. "Uh, oo naalala ko na, nanghina kasi ako noong oras na iyon kaya nawalan ako ng malay," sabi ko.

Lumabas daw ako sa black portgate so ibig sabihin lang no'n ay naipanalo ni Shino ang laban ko sa final game. Masaya ako na marinig ang tagumpay na iyon pero ang mas-ikinasaya ko ay ang malaman na wala sa mga kasamahan ko ang nakasalamuha ni Shino pagkatapos nitong lumabas ng portgate dahil nawalan ito ng malay. Mabuti na lang at nangyari iyon, makakahinga na ako ngayon nang maluwag. Masaya ako dahil ibig sabihin lang nito ay pwede akong magtanong kay Lilyu tunkol sa final game nang hindi niya pinaghihinalaan.

"Lilyu since hindi ko alam ang mga nangyari sa final game dahil nga nawalan ako ng malay, pwede mo bang ikuwento sa'kin ang mga nangyari sa laban? Nanalo ba ang Yinyang? Sino-sino sa mga kasamahan natin ang kasama sa top 10 best player at kung pang ilang rank ako?"kinakabahan at excited na tanong ko.

"Nanalo ang Yingyang," simpling tugon ni Lilyu.

Napanganga ako nang marinig ko iyon, "What?! Oh my!" tinakpan ko ng isa kong kamay ang aking bibig dahil muntik na akong mapasigaw dahil sa saya.

"Apat sa Yinyang ang kasama sa top 10, ikaw, si Tonique, si Maru at si Tristan. Top 8 si Tonique, top 6 si Maru, top 3 si Tristan at ikaw ang Top 1," Pagpapatuloy ni Lilyu.

Subrang saya ko ng marinig kong apat sa amin ang kasama sa top 10 at lalo na no'ng banggitin ni Lilyu ang pangalan ni Tristan. Hindi rin ako makapaniwala ng sabihin nitong top 1 ako. Hindi ko inaasahang ako ang magiging top 1 best player ng Q'match dahil kay Shino. Alam kong may mali sa pagkapanalo ko pero hindi ko pa ring maiwasang sumaya. Masaya ako dahil nanalo ang Yinyang, masaya ako dahil apat sa amin ang kasama sa top 10, at masaya ako dahil kasama ko si Tristan sa susunod na laban sa National Match. Ang nakakalungkot lang ay anim sa mga kasamahan namin ang hindi na makakasama sa susunod na laban, ganun pa man naniniwala akong masaya sila para sa pagkapanalo naming apat at ng aming school.

Dahil sa aking mga narinig kay Lilyu kung kaya panandaliang nawala ang mga alalahanin ko. Natulog ako sa oras na iyon nang may ngiti sa labi.

Mga alas otso ako nagising kinaumagahan at paggising ko ay katabi ko na si Tristan. Salamat kay Lilyu dahil sa kanya nalaman ko ang mga nangyari during at after ng final game kaya hindi ko kelangang mag-alala kung ano ang ikikilos ko ngayong kaharap ko si Tristan nang mag-isa dito sa silid.

"Good morning sleepy head," nakangiting bati ni Tristan. Nakatagilid kaming pareho, magkaharap at ilang inches lang ang layo namin sa bawat isa.

"Good morning," tugon ko at ngumiti. "Congrats," sabi ko.

"Thank you at congrats din," aniya at dinampian ako ng halik sa labi. "Sabi ni Lilyu ay okay ka na daw, ngayon bumangon ka na at magpalit dahil hinihintay ka na ng lahat sa baba. Ayaw nilang mag-almusal nang wala ka. Baka pagtumagal pa tayo dito ay kung anong kababalaghan na ang isipin nila na ginagawa natin," may panunuksong sabi ni Tristan. Nagkagat labi ito at kinindatan ako. Sunod ay mabilis niyang kinuha ang isang kamay ko at naramdaman ko na lang sa aking palad ang matigas na bagay sa loob ng kanyang shorts.

Napangiti at napailing na lang ako, kay ganda gumising sa umaga kapag ganito kagwapo ang una mong makikita lalo pa at medyo bastos, "Mauna ka na, magbibihis lang ako," sabi ko.

Naunang bumaba si Tristan at nag-ayos naman ako ng sarili at nagpalit ng damit bago sumunod. Naabutan ko sa sala sina Prof. Goldfield at Mr.Gumban kasama ang buong team, binati nila ako at sinalubong ng yakap dahil sa pagkapanalo ko bilang top 1 best player. Masaya akong nagpasalamat sa kanila at binati ko rin sila sa pagkapanalo ng school namin.

Masaya ako dahil kasama ko na muli ang mga teammates ko at wala nang pag-aalala sa aking isip dahil hindi naman nila nakasalamuha si Shino at hindi nila alam na iyon ang nagpanalo sa'kin sa final game. Oo nga at maraming katanungan sa isip ko pero kelangan ko munang iwaksi ang mga iyon dahil ayukong masira no'n ang saya na kasalukuyan kong nararamdaman. Iniisip ko na lang na baka pagkatapos nitong Q'match ay mabigyan din ng kasagutan ang mga katanungan ko.

Magkasama kaming lahat na kumain ng almusal na hinanda ng dalawang cook na pinadala ng Haven. Pagkatapos naming kumain ay dumulog kami sa sala at pinanood namin ang replay ng final game mula sa pinadalang exclusive disc copy  ng Q'match council. Ngayon lang ito dumating dahil enedit pa ito dahil marami daw kelangang imute at icut na unnecessary scenes.

Halos dalawang oras din ang haba ng video at sa loob ng mga oras na iyon doon ko nakita ang pagiging agresibo ni Shino sa laban gamit ang katawan ko. May mga scenes rin sa video kung saan nakamute ang boses ko habang nagsasalita, marahil masasama ang mga pinagsasabi ni Shino kaya kelangang imute ang mga iyon, doon ko napagtanto na isa pala ako sa dahilan kung bakit nadelay ang pagpalabas ng replay ng final game. Ikinagulat ng mga kasamahan ko ang pagiging seryuso at agresibo ko sa final game pero hindi sila nagsalita tunkol doon, baka iniisip nila na kelangan kong gawin iyon para manalo ako at makasama sa top 10 at para manalo ang school namin pero ang totoo'y hindi ako ang napapanood nila kundi ang masama kong katauhan na si Shino.

Ang gumulat at naging agaw eksena sa aming lahat ay ang kissing scene nina Lilyu at Maru kung saan kelangang ilipat ni Lilyu ang dahon ng hoiara sa bibig ni Maru gamit ang bibig nito. Habang nakalapat ang labi ni Lilyu kay Maru ay nagmulat ito ng mata, awkward moment and eksenang iyon na tumagal ng ilang segundo, pagkatapos niyon ay sumuka ng kulay itim na likido si Maru sa damit ni Lilyu, iyon ang toxin na dulot ng rain gloomy flowers.

Pagkatapos naming mapanood ang video ay naging tuksuhan sina Lilyu at Maru, kaya raw pala kahapon pagkatapos ng final game ay parang asiwa ang dalawa sa isa't-isa at hindi nagkikibuan, iyon pala ay dahil doon sa kissing scene nila sa loob ng war zone.

Kinahapunan ay pinaalam ako ni Tristan kay Prof. Goldfield na isasama sa beach sa kabilang bahagi ng isla kung saan hindi nadadayo ng mga hidden at pumayag naman ito. Kinarga ako ni Tristan sa kanyang likod at gamit ang kanyang kapangyarihan ay nilipad niya ako patungo roon.

Pagdating sa beach ay magkatabi kaming umupo sa puting buhangin. Nasa kanan ko siya at nakaharap kami sa kanluran kung saan makikita ang malapad na dagat na nagmistulang malinaw na salamin ng papalubog na araw at ng langit na pininturahan ng kulay dilaw, lila at pula.

Inakbayan ako ni Tristan ng kaliwa niyang braso at hinilig ko sa kanyang balikat ang aking ulo. Maya-maya'y kinuha ng kanang kamay nito ang isa kong kamay at hinawakan.

"Sana palagi tayong ganito, palaging magkasama," narinig kong sabi niya sa mahinang boses na sumabay sa hampas ng mga alon sa dagat.

Hindi ako tumugon at bahagyang napasimangot. Hindi ko alam kung ano ang itutugon ko at nakaramdam ako ng lungkot. Gusto ko si Tristan at ramdam kong gusto niya rin ako kahit papano, pero hanggang hindi kami magbf ay walang label kung anong namamagitan saming dalawa at nakakalungkot 'yong ganoon.

Nilingon ako ni Tristan at nahuli niya akong nakasimangot, mabilis akong ngumiti ng pilit sa kanya. Binawi niya ang paningin sa'kin at binalingan ang dagat.

"Bakit ka nakasimangot? Hindi ka ba masaya na kasama ako?" may lungkot sa boses na tanong nito.

"Masaya," ikling tugon ko. Masaya ako na malungkot. Masaya dahil kasama ko siya, at malungkot dahil walang label kung ano kami. Natatakot naman akong tanungin siya tunkol samin dahil baka iba ang isagot niya sa inaasahan kong sagot at masaktan lang ako.

"Hindi ka masaya alam ko," aniya.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ko at umayos ako ng upo. Tinuon ko ang aking paningin sa dagat. Siguro oras na para tanungin siya tungkol saming dalawa, nakakatakot mang marinig ang sagot niya pero kelangan ko nang gawin ito para sa ikapapanatag ng puso ko, kelangan ko lang tibayan at ihanda ang sarili ko para sa mga posibling mangyari. Nakasalalay sa kanyang sagot kung titigil at bibitiw na ba ako o ipagpapatuloy pa itong nararamdaman ko. 

"Tristan masaya ako tuwing kasama ka, at masaya ako sa atensyon na binibigay mo sa'kin. Siguro minsan mapapansin mo na lang na bigla na lang ako nalulungkot, iyon ay dahil nag-aalala ako. Nag-aalala ako na baka itong saya na nararamdamah ko kapag kasama ka ay kinabukasan wala na? Hindi ko alam kung bukas o makalawa ay meron ka ng iba dahil hindi ko alam kung ano ako sa'yo, hindi ko alam kung nandiyan ba ako sa puso mo. Hindi ko alam kung ano ba tayo? Pinipigilan ko ang sarili ko na huwag mahulog sa'yo dahil ayukong masaktan pero wala, ayaw makinig ng puso ko..." hindi ko alam pero bigla na lang tumulo ang luha ko, marahil dala ng saya at lungkot, saya dahil sa wakas nasabi ko na rin ang gusto kong sabihin, at lungkot dahil baka iba ang nararamdaman ni Tristan sa nararamdaman ko.

Hinarap ako ni Tristan sa kanya at pinunasan niya ang luha sa'king pisngi, nakita ko siyang ngumiti. "I love you Shero, pwede ba akong maging bf mo?"

Ngumiti ako, "Yes," sabi ko at bahagya ko siyang sinuntok sa dibdib. "Nakakainis ka, kay tagal kung hinintay 'yang tanong na 'yan kung di pa ko luluha di mo pa ko tatanungin."

"Magtatapat na sana ako sa'yo kaso inunahan mo 'ko, nag-aalala pa naman ako na baka ireject mo'ko. Thank you for making this easy to me," nakangiting sabi ni Tristan at binunot niya sa kanyang bulsa ang kulay itim na ring box at binuksan. "For my annoying little sweet Shero,"

Nasurpresa ako dahil sa aking nakita, pinaghandaan pala ni Tristan ang oras na ito. Subrang tuwa ang naramdaman ko, gusto ko na siyang yakapin at halikan pero pinigil ko ang aking sarili, mamaya ko na lang gagawin iyon kapag nasuot na namin ang singsing. Dalawang ginto na couple ring na merong nakaembed na maliliit na diamonds sa paligid ang nakita ko, ang ganda ng singsing at sa tingin ko ay pinasadya iyon ni Tristan. Kinuha niya ang isa at isinuot niya sa palasingsingan ko sa kaliwang kamay, ang isa naman ay kinuha ko at isinuot din ito sa kanya.

"You're mine and I'm yours forever, I love you," sabi ni Tristan.

Kinilig ako sa mga sinabi niya, napangiti ako, "I love you Tristan," sabi ko at hindi ko na inawat pa ang aking sarili at hinalikan ko na siya.

***

Mga bandang alas diyes ng gabi nang pumunta kaming taga-Yingyang sa Haven Coliseum para sa awarding ceremony. Nakasabay namin sa pagdating ang tatlo pang team, ang Lunar, Haven at Fortis. Katulad sa'min ay nakasuot din ang mga ito ng formal attire, naka black tuxedo at black pants ang mga lalaki at nakared evening gown naman ang mga babae, alinsunod ito sa dress code na binigay ng Q'match council, black sa mga lalaki at red naman sa mga babae.

 Nang pagdating namin ay saktong katatapos lang ding ipalabas ang replay ng final game. Ang pagdating naming mga players ay nagdulot ng malakas ng ingay sa loob ng coliseum na puno ng mga nagtitilian at nagpapalakpakan na mga manonood.

Pumwesto kaming mga players sa mga nakarayang bilog na mesa na merong puting sapin sa baba sa harap ng entablado. Nasa unang mesa sa kaliwa ang Haven sumunod ang Lunar at Fortis at pang-apat kami, ang pwesto namin ay alinsunod naman sa ranking ng school sa Q'match. Nasa likuran naman namin ang iba pang mga bisita at nasa kanya-kanya silang mga mesa.  Nakasuot din ang mga ito ng formal attire pero iba-iba ang kulay ng mga iyon. Isang pagdiriwang ang magaganap ngayon kaya sa tingin ko ay mga propesor at mga hidden na merong matataas na katungkulan sa bansa ang mga bisitang dumalo.

Ilang minuto ang matuling na lumipas at sa wakas ay nagsimula na rin ang awarding ceremony, ito ang huling programa para sa opisyal na pagtatapos ng Q'match at susundan ito ng Q'match ball pagkatapos. Dumating ang labinlimang  council at tulad ng inaasahan ay naupo ang Head Order na si Head Mistress Repe sa pinakagitnang silya sa taas ng entablado, as usual nakasuot ito ng kulay itim na kasuotan.

Ang host ng programa ay si Juvy, nakasuot naman ito ng kulay silver na gown. Unang binati nito ang mga Q'match council, kasunod ang mga Propesor, mga bisita, kaming mga players at pagkatapos ay ang mga manonood na walang sawang nag-abang at sumupurta sa mga players simula day one ng Q'match.

Bilang pag-uumpisa ng programa ay tinawag ni Juvy ang isang may edad na lalaki na kabilang sa council, si Mr. Fanjunir, para maglead ng invocation. Kasunod niyon ay pinatugtog ang Hidden Hymn at sinundan iyon ng acknowledgement at closing remark ng Head Order.

Isang maikling salaysay lang ang binitawan ng Head Order at ang huling linya nito ay ang pagcongratulate sa aming lahat na mga players. Isang malakas na palakpakan ang itinugon namin at ng mga manonood para dito. Nagtaka lang ako dahil hindi binanggit ng Head Order ang tungkol sa National Match, sa isip ko ay baka gawin niya iyong surpresa mamaya sa mga manonood.

"Mga mahal naming manonood, sa puntong ito tatawagin at paparangalan na natin ang ating mga manlalaro," sambit ni Juvy at muling nabalot ng malakas na ingay ang loob ng coliseum dahil sa palakpakan at hiyawan ng mga manonood.

Mula dito sa baba sa inuupuan ko ay nakita ko ang apat na lalaki na lumabas mula sa gilid ng stage at pumwesto sila sa kaliwang bahagi ng entablado. Nakasuot sila ng school uniform ng Haven na kombinasyon ng kulay asul at lavender, merong hawak ang bawat isa sa kanila ng gintong trophy na magkakaiba ang laki.

"Ayan na po at nakikita niyo na ang mga gintong tropeyo na matatanggap ng ating mga players," ani Juvy at saglit na binalingan ang ang apat na mga lalaki  na nasa kabilang bahagi ng stage, "I bet excited na ang lahat na makita ang mga paborito nilang players na hawak itong mga tropeyo so without further ado, may I call on Mr. Relozana an Mr. Mosido to give the trophy to our third placer."

Tumayo ang dalawang magkatabi na may edad na council at pumagitna sa entablado, lumapit sa mga ito ang lalaking may hawak ng maliit na trophy at ibinigay iyon sa kanila, pagkatapos niyon ay um-exit na ang lalaki sa stage.

"Garnering of 545 points, our 39th Q'match 3rd placer is - Haven University," anunsyo ni Juvy at nasundon iyon ng palakpakan mula sa amin at sa mga manonood.

Tumayo ang mga taga-Haven at umakyat ng entablado para tanggapin ang tropeyo, pagkatapos niyon ay bumalik na ang mga ito sa kanilang mesa.

Sunod na tinawag ang 2nd placer, ang team ng Lunar University na nakakuha ng 990 points. Ang mag-asawang council na sina Mr. and Mrs. Chalaso ang nagbigay sa kanila ng tropeyo.

Pangatlong tinawag ang team ng Fortis University na nakakuha ng 1,155 points. Ang dalawang pinakabata na council na sina Mr. Sanadova at Mr. Nurikayo ang nagbigay naman sa kanila ng tropeyo.

"And our 39th Quadrangular Match champion na nakakuha ng 1,291 points, walang iba kundi ang team ng Yin-Yang University!" malakas na anunsiyo ni Juvy at nabalot ng nakakabinging ingay ang loob ng coliseum.

Subrang saya ko nang marinig ko ang pangalan ng school namin. Before nitong announcement ay alam ko nang champion kami pero iba pa rin pala kapag tinawag at pinarangalan na kayo sa harap ng maraming manonood. Subrang proud at saya ko, actually kaming lahat ng mga kasama ko. Halos hindi maipinta ang tuwa sa aming mga mukha. 

Umakyat kami sa entablado at si Tonique ang tumanggap ng tropeyo mula sa Head Order at sa kasama nitong si Mr. Etobyarr. Sa subrang saya namin ay kinamayan namin ang lahat ng council bago kami bumaba ng stage.

"Congratulations sa team ng Yinyang at pati na rin sa team ng Haven, Lunar at Fortis. Ngayon bago ko tawagin ang top 10 best player ng Q'match ay magbibigay muna ng mahalagang anunsiyo ang mahal nating Head Order," ani Juvy at binalingan nito ang Head Oder na nakatayo sa kanyang tabi.

Pumagitna sa entablado ang Head Order at kahit wala itong gamit na mic ay pumailanlang ang boses nito sa loob ng coliseum, "Mga mahal naming manonood," umpisa nito, "Nais kong ibalita sa inyo na ngayong taon ay magkakaroon ng National Match. Sa gaganaping laban na ito dalawang team ang magtutunggali, ang team mula sa Highness University at mula sa team ng Q'match top 10 best players," anunsiyo ng head order at nagsigawan at palakpakan ang mga manonood, hindi maipagkakailang excited ang lahat sa darating na National Match. Nagpatuloy sa pagsasalita ang Head Order, "Wala pang official date kung kelan at saan gaganapin ang N'match pero ngayon pa lang ay nais kong hingin ang inyong suporta para sa ating mga magiging kalahok, sana kung anong suporta ang ibinigay ninyo sa kanila dito sa Q'match ay gano'n din sa N'match. iyon lamang po at maraming salamat," pagkatapos magsalita ng Head Order ay bumalik at umupo na ito sa kanyang upuan.

Muling nagsalita si Juvy, "Thank you head Order sa magandang anunsiyo," anito at sandaling huminto, "Ladies and gentlemen nasurpresa ba kayo sa anunsiyo? Kung nasurpresa kayo, well, count me in dahil hindi ko alam ang tungkol sa bagay na iyon. Sa tingin ko lahat tayo ay masaya sa magandang balita na iyon kaya ngayon tawagin at pangalanan na natin ang ating top 10 best players na lalaban para sa National Match," malakas na bigkas ni Juvy at lumabas sa gilid ng stage ang limang babae at limang lalaki na naka Haven Uniform, merong silang tig-iisang hawak na gintong trophy na maliliit at magkakasing laki at merong mga numero from 1 to 10. Pumwesto ang mga ito doon pa rin sa kaliwang bahagi ng stage, nasa unang raya ang mga babae na may hawak ng trophy from 1 to 5, at nasa likuran naman nila ang mga lalaki na merong hawak na trophy from 6-10.

Isa-isang tinawag ni Juvy sa entablado ang kabilang sa top 10 para gawaran ng tropeyo. Naunang tinawag ang top 10 na si Sirgel Moxy, pagkatapos nitong matanggap ang trophy mula sa isang council ay bumalik na ito sa kanilang mesa. Sunod na tinawag ang top 9 na si Arneallyn Dizon ng Fortis, sunod ang top 8 na si Tonique. Sinundan naman ito ni Kenver na top 7 at ni Maru na top 6,  sumunod si Chloe Mayfar ng Haven na top 5 at si Lee Domstill ng Lunar na top 4. Pangwalo na tinawag si Tristan bilang top 3 at sumunod sa kanya si Matchu Villers bilang top 2.

Habang pinapanood ko si Matchu na pababa sa hagdan ng stage ay lalong lumakas ang kaba sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan eh tatanggap lang naman ako ng tropeyo. Hindi ko inaasahan na mapapabilang ako sa top 10 ng best player at ang masmalala pa ay ako ang top 1 best player at ito'y dahil kay Shino.

"You look tense, relax lang," sabi ni Tristan na nasa tabi ko sa kanan.

Nilingon ko siya, "Kinakabahan ako," sabi ko at pilit na ngumiti.

"Chill, aakyat ka lang ng entablado at tatanggap ng trophy, katulad lang 'yan sa ginawa natin kanina kaso nga lang ngayon mag-isa ka lang para kitang-kita ng lahat kung ga'no ka kapogi," nakangiting pagibibiro ni Tristan.

Lumuwang ang pagkakangiti ko, "Bolero ka talaga," sabi ko na lang.

"May I call on our Head Order to give the last trophy," sabi ni Juvy. 

Tumayo at pumagitna sa entablado ang Head Order at lumapit sa kanya ang lalaki at inabot ang natitirang tropeyo. 

Muling nagpatuloy si Juvy sa pagsasalita, "Ladies and gentlemen please give a round of applause to our 39th Q'match top 1 best player, Shero Tan from Yin-Yang University!"

Ang loob ng coliseum ay nabalot ng nakakabinging ingay mula sa mga nagpapalakpakan at naghihiyawan na mga manonood. Kabaligtaran ito noong introductory kung saan ipinakilala kami na mga taga-Yingyang at parang walang may gustong pumalakpak sa amin.

Tumayo ako at humakbang para umakyat sa stage pero nakakailang hakbang pa lang ako nang mapatigil ako sa aking kinatatayuan. Napansin kong bigla na lamang humina ang ingay sa loob ng coliseum kaya nagtaka ako, lumingon ako sa aking likuran para alamin kung ano ang nangyari at isang eksena ang aking nasaksihan na hinding-hindi ko inaasahan.

Isang malaking black portgate ang lumitaw sa gitna ng coliseum at ang unang dalawang lumabas roon ay dalawang may edad na warlock na nakasuot ng all black at may itim na kapa. Sunod na lumabas doon ay sina Prince Athanry at Prince Callenro, sumunod sina Qazeya at si Arckzy, pagkatapos ay ang magkapatid kong pinsan na sina Silven at Trinna, at ang panghuling lumabas ay ang pinsan kong si Cazer at ang ate kong si Fame. Nakasuot silang lahat ng all white na school uniform na merong kulay ginto na desenyo, at sa kaliwang dibdib nila ay merong logo na HU na ang ibig sabihin ay Highness University. Mapapansin ang subrang lakas na aura sa kanilang lahat, 'yong tipong nakaka-intimidate ang dating. Tumayo sila ilang dipa ang layo sa'kin at lumapit naman sa'kin si ate Fame.

"Hello my dear brother," bati ni ate Fame, blanko ang reaksyon ng kanyang mukha.

"Ate anong ginagawa niyo dito?" pilit kong pinakalma ang boses ko kahit na ang totoo'y gusto ko na silang pagsisigawan lahat, sa oras na ito ay kinukutuban na ako ng hindi maganda. Malalaman ng lahat na isa akong prinsepe, malalaman ito ni Tristan at baka mag-iba ang pagtingin niya sa'kin. Hindi pa ito ang oras para malaman niya ang tungkol sa bagay na ito.

"We will take you," tugon ni ate Fame at binalingan nito ng tingin si Lilyu na nakaupo sa gitna nina Tristan at Maru. Tinanguan niya ito at lumapit ito sa amin.

Tinapunan ko ng tingin si Tristan at nagsalubong ang aming mga mata, naroon at nakabakas sa kanyang mukha ang pagtataka, marahil sa puntong ito ay inaalisa niya na ang mga nangyayari, binawi ko ang aking paningin at hinarap ko si ate.

"Anong ibig mong sabihin?" sabi ko.

"You're a prince, you belong to Highness University," may diin na sabi ni ate Fame at nakita kong tinutok ng isang warlock ang kanyang staff sa direksyon namin ni Lilyu at ang kasuotan naming dalawa ay napalitan ng school uniform ng Highness University.


END OF BOOK ONE


Note: The Hidden Series - (Book 2)  HIGHNESS UNIVERSITY - Royals and Nobles is the continuation of YINYANG UNIVERSITY.

Continue Highness University Introduction