YYU - Chapter 107: Dark Side (Part 2)

 


*** SHINO'S POINT OF VIEW ***



Kinulong ko si Shero sa isang ilusyon na ako mismo ang gumawa at malabong makalaya siya roon. Kelangan kong gawin iyon para manahimik na siya at tantanan niya na 'ko sa mga kababawan niya. Isa siyang mahina, isa sa maraming bagay na pinagkaiba naming dalawa. Sa opinyon ko, walang lugar sa mundong ito ang mga taong mahihina. Isang battlefield ang mundo, kelangang malakas ka para mabuhay. Kung mahina ka aapakan ka nila, hahamakin at dudurugin, pero kung malakas ka sasaludo sila sayo, titingalain ka at katatakutan.

Si Shero ay isang iyakin, lampa at mahina, iyon ang mga katangian na ayaw ko sa kanya. Hindi siya nararapat sa magulong mundong ito. Doon siya nararapat sa madilim na mundo ko kung saan ligtas siya sa mapanakit na mga tao. Kung pwede ko nga lang siyang ikulong doon habang buhay ay gagawin ko. Gagawin ko iyon nang walang pag-aalinlangan dahil hindi naman siya kawalan at iyon ang sa tingin kong nararapat na lugar para sa mahinang gaya niya.

Tama, hindi kawalan si Shero dahil pwede ko siyang palitan. Ako ang best version niya. Kahit magkaibang katauhan kaming dalawa ay alam ko ang mga nangyayari sa kanya. Kilala ko rin ang mga taong nakakasalamuha niya. Iyon ay dahil hindi niya alam ang eksistensya ko, malaya akong nakakapuslit sa kanyang mga alaala at madalas ay pinapanood ko ang kanyang mga kilos at ginagawa. Siya ay parang isang bukas na aklat na malaya kong binabasa nang hindi niya nalalaman. Wala siyang sekreto na maitatago sa'kin, lahat ng lihim niya ay alam ko. Pero ngayong alam niya na ang katauhan ko ay malabong makapuslit pa ulit ako sa mga alaala niya. Malabo na ring makita at mabantayan ko ang kanyang mga kilos. Siguradong hindi niya 'ko pahihintulutan na gawin ang mga 'yun. Kung dati'y maihahambing ko siya sa isang bukas na aklat ngayon ay hindi na, at iyon ay dahil mismo sa'kin. Pero hindi na mahalaga iyon dahil ngayon heto at malaya na 'ko. Mananatili akong malaya hangga't hindi niya nalalalaman kung paano ako ibalik sa aking madilim na mundo.

Dati ay para akong isang aninong nagtatago sa kadiliman at lihim na nagmamasid kay Shero. Umaasang balang araw ay maaangkin ko ang katawan niya. At ngayon nga ay nangyari iyon, nakawala ako sa madilim na mundo ko. Pinalaya ako ni Shero, isa iyong pagkakamali sa parte niya. Matagal ko nang inaasam na makalaya, at ngayong nakamit ko na ito ay hindi ko gugustuhin na bawiin ito sa'kin. Malaya na 'ko. Ayuko nang bumalik sa madilim na kawalan na pinanggalingan ko.

Magpapanggap ako na si Shero. Hindi madali ang magpanggap na mabait pero pwede kong subukan. Pero may isang problema, si Maru. Alam niya ang katauhan ko at hindi ko alam kung pa'no niya iyon nalaman. Hindi ko siya gusto. Namumuhi ako sa kanya dahil sa ginawa niyang pagkulong sa'kin noong gabi rin mismo na nakalaya ako dahil sa enerhiya ng airist. Siya ang banta at balakid sa kalayaan ko kaya kelangan ko siyang alisin sa landas ko. Hindi ako tuluyang malaya hanggat nandiyan siya. Kelangan ko siyang idispatsa pero sa ngayon hindi ko muna iisipin 'yun. Mas gusto kong makipaglaro sa mga kalaban dito sa war zone ngayon kay sa mag-alala.

Nasasabik ako sa mga pwedeng mangyari dito sa war zone. Nasasabik akong makaharap ang ibang mga manlalaro at makita ang kanilang mga kapangyarihan. Sabik akong gamitin sa kanila ang aking kapangyarihan, gusto kong ipalasap sa kanila ang lakas na taglay ko. Sisiguraduhin kong babagsak sila sa mga kamay ko. Walang ibang pwedeng hirangin na best player sa larong ito kundi ako, ako na si Shino, ang dark prince ng Rosaria.

"Ito ang unang araw na malaya ako kaya gagawin ko itong memorable," bulong ko sa aking sarili at binaba ko ang aking paningin sa aking paanan kung saan ang isa kong paa ay nakaapak sa ulo ni Akreanie. "Sisimulan ko sa'yo insekto, hindi ka marunong lumugar kaya may paglalagyan ka sa'kin," sabi ko at lalo kong diniin ang paa ko sa ulo nito.

Nakita kong kumuyom ang mga kamao ni Akreanie pero hindi siya gumalaw o nanlaban sa ginawa ko. Hinayaan niya lang akong apakan ang ulo niya. Walang pagtutol sa parte niya. Tanda iyon ng pagtanggap ng pagkatalo. Pero hindi pa 'ko tapos. Hindi pa niya ginagamit ang kanyang kapangyarihan kaya hindi ko siya titigilan.

Gamit ang blood manipulation ay pinalutang ko si Akreanie sa hangin at hinampas sa puno sa'king tabi. Nang bumagsak siya sa putikan ay nanatili lang siyang tahimik. Ang tibay niya, pero hindi niya maikukubli sa'kin ang takot na nararamdaman niya.

Pinanood ko siya sa putikan at nakita kong hinuhugasan ng ulan ang dumi na nakakapit sa kanyang kabuuan. Nakita ko siyang kumilos nang mabagal. Sinusubukan niyang bumangon pero nahihirapan siya. Isa lang ang ibig sabihin n'on, nanghihina na siya.

"Pathetic!" bigkas ko at tinutok ko sa kanya ang kaliwa kong kamay.

"Ahhhhh!!!" kumawala ang malakas na daing sa bibig ni Akreanie at nakita ko siyang namilipit sa putikan. Iyon ang sakit na dulot ng blood pain na ginamit ko sa kanya.

Ngumisi ako, "Nakakaawa ka naman, bakit hindi mo kaya gamitin ang kapangyarihan mo at labanan ako?" sabi ko, "Hindi kita titigilan hangga't hindi mo nilalabas ang 'yong kapangyarihan."

Hindi tumugon si Akreanie sa mga sinabi ko at patuloy lang siya sa pagdaing at pamimilipit sa putikan. Hindi ko mawari kung anong dahilan niya at bakit tinitiis niya ang sakit ng blood pain samantalang pwede naman niya akong labanan. Sa tingin ko naman kahit papano ay makakalaban siya sa'kin dahil malakas ang kapangyarihan niya na giantism. Sabik pa naman akong makita ang kapangyarihan niya pero heto at nagmamatigas siya. 

Tinigil ko ang blood pain nang biglang may lumabas na puting usok mula sa kung saan at pumagitna sa'min ni Akreanie. Nagpalit anyo ito at lumabas si Matchu, ang pureblood vampire na isang prinsepe gaya ko.

"Wala siyang kapangyarihan kaya hindi ka niya malalabanan," sabi ni Matchu habang nakatingin sa'kin.

Kumunot ang aking noo, "Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

"May nagnakaw sa kanyang kapangyarihan kahapon," tugon ni Matchu at sinandal nito si Akreanie sa tabi ng puno. Nakita kong nakapikit si Akreanie, wala na itong malay. Bumigay na ang katawan nito na kanina pa nanghihina.

"Power stealer," mahinang bigkas ko at hinintay ko si Matchu na muling humarap sa'kin, "Kung ganun ikaw na lang ang lumaban sa'kin," sabi ko sa kanya.

Gusto ko sanang itanong kay Matchu kung kilala o kaaway nila ang power stealer na iyon pero pinigil ko ang aking sarili dahil wala naman akong pakialam do'n. Hindi naman isang banta sa'kin ang power stealer na 'yon dahil isa siyang passive user, sa madaling salita walang kwenta ang kapangyarihan
niya sa isang elemental user gaya ko.

"Shero?" narinig kong tawag ni Matchu at nagsalubong ang paningin namin. Nakita ko ang pagtataka sa kanyang mukha. Hindi ko alam kung nahalata niya na iba ang kilos ko sa kay Shero pero mukhang napansin niya iyon. Oo, dapat lang na mapansin niya iyon, dahil iba ang kilos ng malakas kumpara sa kilos ng isang mahina.

Iniwas ko ang aking paningin at tumungo sa madilim na kalangitan, "Patila na ang ulan," pag-iiba ko. Pumikit ako at dinama ko sa aking balat ang ulan na nasa bingit na nang pagtatapos.

"Aalis na 'ko," sabi ni Matchu.

Dumilat ako at binalingan ko siya. 'Hindi ka pwedeng umalis, kelangan mo muna akong labanan,' sa loob-loob ko.

Hindi na ako nagdalawang isip pa at mabilis kong ginamit sa kanya ang blood manipulation. Humampas siya sa malaking puno sa'king harapan at bago pa siya bumagsak sa lupa ay mabilis niyang ginamit ang kanyang kapangyarihan at nagpalit anyo bilang puting usok. Magaling ang ginawa niya pero hindi sapat iyon para takasan ako. Kung iniisip niya na sa pagiging usok niya ay maiiwasan niya ang mga atake ko ay pwes iyon ang hindi mangyayari.

"Hindi mo 'ko matatakasan," sabi ko kay Matchu na mukhang may planong lumipad palayo.

Mabilis kong tinaas ang dalawa kong kamay at gamit ang water manipulation skill ay minanipula ko ang tubig ulan sa paligid ng puting usok at gumawa ako ng malaking water ball prison at doon ko ito kinulong. Habang nakalutang sa hangin ang water ball prison ay ginamitan ko ito ng ice manipulation skill. Unti-unti ko iyong pinayelo at nang tuluyan na itong maging solidong yelo ay binagsak ko ito sa malaking bato sa'king tabi.

Nabiyak ang malaki at bilog na yelo at mula roon ay lumabas ang puting usok. Ilang saglit lang at naglaho ang puting usok at napalitan iyon ng anyo ni Matchu. Nakahimlay ito sa damuhan at walang malay. Nadismaya ako sa aking nakita. Akala ko malakas ang Matchu na ito pero hindi pala, isa rin siyang mahina.

Tumalikod ako at humakbang palayo.


Continue Chapter 108