HU - Chapter 6

 



*** SHERO'S POINT OF VIEW ***



Halos hindi mabawasan o mabakante ang utak ko sa mga tanong, pagkatapos kasi masagot ang isang tanong ko ay sisibol na naman ang isa o dalawa.


"Cazer, matagal mo na bang alam na may kambal ako? Sino-sino sa pamilya natin ang may alam tungkol kay Kuro?" tanong ko.


Nakita kong umiling si Cazer, "Wala sa pamilya natin ang nakakakilala kay Kuro kundi tayong dalawa lang. Nakilala ko lang siya kahapon, nang makita ko nga siya ay inakala kong ikaw at siya ay iisa," sagot nito.


Huminga ako nang malalim at nagpatuloy sa pagtanong, "Ano pa ang alam mo kay Kuro? At nasaan tayo ngayon? Sino ang sumaksak sa'yo? At sino-sino sa mga kaibigan ko at pamilya natin ang mga nakaligtas dito sa hinaharap?" sunod-sunod na tanong ko.


"Wala akong masyadong alam tungkol kay Kuro, at tungkol sa tanong mo kung nasaan tayo, nasa HIF Fortress tayo ngayon. Ang..." magsasalita pa sana si Cazer pero naputol iyon nang makarinig kami ng sunod-sunod na katok sa malaking pintuan at kasunod no'n ay ang pagbukas nito.


Pumasok sa silid ang nakapulang babae kasunod si Kuro, dumiretso ang mga ito sa direksyon namin. Tumayo naman kami Cazer para harapin ang mga ito.


"Kelangan mo nang bumalik sa panahon mo," panimula ni Kuro na ang mga mata'y nakatingin sa'kin.


Tinanguan ko siya bilang tugon at nagkatinginan kami ni Cazer. Nakaramdam ako ng saya at pananabik dahil sa wakas ay makakabalik na ako sa panahon ko, maitatama ko na rin itong mga pagkakamali ko dito sa hinaharap. 


Binalik ko kay Kuro ang atensiyon ko nang muli itong magsalita, "Inumin mo ito bago kayo umalis," anito at inabot sa'kin ang maliit na transparent na bote na merong laman na kulay asul na likido.


Kinuha ko iyon at sinipat, "Ano 'to?" maang na tanong ko dito.


"Isang pabaon, elixir yan para hindi mo makalimutan ang mga nasaksihan mo dito sa hinaharap," sagot nito.


"Sigurado ka?" may pag-aalinlangan na tanong ko at nakita ko ang bahagyang pagkunot ng noo ni Kuro na mabilis ring nawala.


"Ibalik mo sa akin kung ayaw mo, at huwag mo akong masisi kung sa oras na pag-apak mo sa panahon mo ay wala kang maalala sa mga nangyari dito sa hinaharap," seryusong sabi nito at tinangka nitong kunin sa kamay ko ang bote.


Mabilis kong iniwas at inilayo ang kamay ko. Hindi ko alam kung nagsasabi ito ng totoo, pero kung posibli nga ang sinasabi nito, kapag nagkataon ay masasayang lang ang pagpunta ko rito sa hinaharap kung ito rin lang naman ay makakalimutan ko.


"Iinumin ko na," sabi ko at agad ko nang binuksan at ininum ang laman ng bote.


Pagkatapos kong tunggain ang asul na likido ay bigla na lang akong nakaramdam ng subrang pagkaantok, kusang pumikit ang aking mga mata at naramdaman ko ang pagbigay ng  aking katawan. Naramdaman kong natumba ako pero bago pa ako bumagsak sa sahig ay merong sumalo sa'kin.


"Sa ngayon ay kailangan mo munang makalimutan itong pagkikita natin, darating ang araw at muli ay magtatagpo ang mga landas nating dalawa," iyon ang huling mga salita na narinig ko mula kay Kuro at pagkatapos no'n ay tuluyan na akong nawalan ng malay.




*** FAME'S POINT OF VIEW ***


(Present time)


"Fame," napalingon ako kay Cazer na siyang tumawag sa'kin. Kasalukuyan akong nasa library at pumipili ng libro sa book shelf.


"Bakit?" tugon ko rito at ibinalik ko ang aking paningin sa mga librong nakahilira sa aking harapan.


Lumapit ito sa'kin, "May masama akong balita," sabi nito, dahilan para muli ko itong lingunin. Nakita ko sa mukha nito ang pag-aalala.


Napataas ang isang kilay ko, "Kay aga-aga at masamang balita agad ang maririnig ko, tungkol saan 'yan?" tanong ko.


"Bumalik ako sa nakaraan at sinama ko si Shero, pagbalik ko, ako na lang mag-isa. Sigurado akong kasama ko siya pabalik, pero hindi ko alam kung ano ang nangyari at wala na siya sa tabi ko pagdating dito," pahayag ni Cazer na ikinagulat ko.


Bigla akong kinabahan, "Seryuso ka Cazer? Huwag mo akong mabiro ng ganyan," sabi ko.


"Oo, seryuso ako. Baka naiwan siya doon, gusto ko sanang bumalik pero hindi sapat ang mana ko," anito.


Huminga ako nang malalim at pilit kong kinalma ang aking sarili. Gusto kong pagalitan si Cazer pero hindi iyon makakatulong, walang maidudulot na maganda kapag sinisi ko pa siya. Total nangyari na ito kaya nararapat lang na harapin ito ng mahinahon.


"Dalhin mo 'ko sa silid ni Shero," sabi ko kay Cazer at mabilis niya akong hinawakan sa aking bisig at nagteleport kami roon.


Sa loob ng silid ay nadatnan namin si Shero na natutulog nang mahimbing sa kanyang kama habang suot-suot pa ang HU uniform nito.


Hindi ko napigil ang aking sarili at pinalo ko sa braso si Cazer, "Jazuteyiv!" mahinang paangil na sabi ko rito na ang ibig sabihin ay estupido sa salitang Celesish, ito ang lengwahe ng mga royal blood.


"Yile zef'ying va zyuvh," tugon ni Cazer na ang ibig sabihin ay, nagsasabi ako ng totoo.


Tinitigan ko siya nang masama, "Kung nagsasabi ka ng totoo, papaanong nandiyan si Shero sa kama niya at natutulog?" sabi ko.


Nakita ko itong nagkibit balikat, "Yi vozez myzeyove," tugon nito sa'kin , hindi niya raw alam.


Continue Chapter 7