YYU - Chapter 104: Grandeline vs Chloe

 


*** GRANDELINE'S POINT OF VIEW *** 



Kanina pa 'ko naglalakad siguro mga kinse minutos na rin. Sa tagal nang paglalakad ko ay wala pa 'kong nakikitang mga players at mobs. Nandito ako ngayon sa madilim, mapuno at matarik na bundok na sa tingin ko ay gawa ng virtual reality at mahika dahil noong nakaraang mga laban ay wala naman ito dito sa war zone. Nanggaling ako sa tuktok nito kanina at ngayo'y nasa kalagitnaang bahagi na 'ko. Naglalakad lang ako pababa at hindi ko ginamit ang giant vines ko, mapapabilis sana ang pagdating ko sa baba ng bundok kapag ginamit ko ang giant vines ko pero hindi ko ito ginamit dahil iniisip ko na baka kapag ginawa ko 'yon ay malagpasan ko ang mga mobs na nandirito sa bundok at baka 'yong isa sa kanila ay nagtataglay pa ng black portgate kaya sayang din 'yon kapag nagkataon. Kaya heto nga't kahit pagod na ang mga paa at binti ko sa kakalakad ay tinitiis ko na lang. Maliban sa pagod ay giniginaw rin ako dahil sa malamig na ihip ng hangin at nang ulan na mukhang walang planong tumigil sa pagbuhos.

Habang naglalakad ako ay pumasok naman sa isip ko ang iba kong mga kasama, silang walo, sina Karrice, Travis, Maru, Shero, Tristan, Lilyu, Tonique at Keith. Walang paraan para malaman ko ang mga kalagayan nila pero sana'y okay silang lahat. Malaking laban ang haharapin namin ngayon dahil ito ang final game at dito nakasalalay ang magiging kapalaran ng aming team. Walang kasiguraduhan na mananalo ang team namin laban sa iba pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na sa huli kami pa rin ang tatanghaling kampeon ng Q'match.  Hindi ko na iniisip na makakasama kaming lahat sa National Match dahil alam kong malabong mangyari 'yon, sa dami naming mga players na maglalaban para sa sampung slots ay imposibli iyong mangyari. Ang hinihiling ko na lang ngayo'y sana manalo ang team namin dito sa Q'match at kahit na tatlo o apat lang saming mga taga-Yinyang ang makasali sa N'match ay okay na.

Naputol ang aking iniisip at huminto ako sa paglakad nang may umagaw sa aking atensyon. Mula rito sa kinatatayuan ko mga sampung metro ang layo sakin ay natanaw ko ang isang babaeng player na nakaupo sa malaking sanga sa mataas at malaking puno sa aking harapan. Malinaw ang kabuuan niya sakin kahit wala akong suot na eye glasses dahil sa suot kong contact lense. Nakasuot siya ng kulay blue at lavender na sleeveless top at shorts na may pagkapareho ang desinyo sa combat costume ko at magkaiba lang sa kulay. Ang player na 'yon ay si Chloe Mayfar ng Haven. Isa siyang poisonist at sa pagkakaalam ko ay isa siyang off-blood, isa siyang half-witch at half-elf.

Mula roon sa sanga ay nakita ko siyang tumayo at tumalon sa ere at nag-backflip ng tatlong beses at naglanding siya sa lupa nang maayos. Nakakahanga ang kanyang ipinakita, ang galing niya.

Ilang sandali siyang hindi gumalaw sa kanyang kinaroroonan at gano'n din ako. Pareho lang naming tinitigan ang bawat isa mula sa malayo. Hindi nagtagal at nakita ko siyang lumakad nang mabagal patungo rito sa direksiyon ko, sa angkin niyang tankad na sa tingin ko ay hindi bababa sa 5'8" ay nagmistula siyang parang modelo na naglalakad sa ilalim ng ulan na inilawan ng mga nagkalat na light fragments. Habang naglalakad siya ay nakatutok ang kanyang mga mata sa 'kin. Ang kaliwa niyang kamay ay nakatago sa kanyang likuran at ang kanang kamay naman niya ay malayang dumadampi sa mga nadadaanan niyang mga halaman.

Umatras ang mga paa ko nang may makita akong bagay na nakakaalarma. Nakita kong mabilis na nagsilanta ang mga halaman na dinampian ni Chloe ng kanyang kamay. Nilason niya ang mga iyon gamit ang kanyang kapangyarihan. Nagawa niyang patayin ang mga halaman nang walang kahirap-hirap. Hindi maganda ito, sirurado akong mahirap siyang kalaban. Parehong kontra ang kapangyarihan namin sa isa't isa. Kung ako nagagawa kong magpatubo ng halaman, siya nama'y nagagawa niyang patayin ito. Tiyak na mahihirapan akong talunin siya pero 'di bale na, gagawin ko na lang ang makakaya ko sa labang ito.

Bago pa siya makalapit sakin nang tuluyan ay mabilis ko nang tinutok ang dalawa kong kamay sa lupa sa harapan ko at ginamit ko ang aking kapangyarihan. "Ascend," bigkas ko at mabilis na tumubo ang hanggang bewang na rubber tree sa harapan ko na merong malalaking sanga. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at mabilis na akong pumatong at kumapit sa mga sanga nito. Mabilis na tumubo nang malaki at mataas ang puno at huminto lang ito sa pag-usbong nang umabot na ito sa taas na 50 metro.

Nandito na ako ngayon sa tuktok ng matayog na puno na ako mismo ang gumawa. Mula rito ay sinipat ko ang paligid at nadismaya ako. Wala akong masyadong maaninag dahil sa lakas ng ulan at saka madilim pa rin dahil hindi pa sumisikat ang araw. Malakas naman ang hampas ng hangin at napakapit ako nang mahigpit sa mga sanga nang umuga ang taas na bahaging ito ng puno. Ang lakas ng hangin na sumasabay sa lakas ng ulan, parang gusto nitong tangayin ang maliit kong katawan. Kelangan ko lang kumapit nang mahigpit para hindi ako mahulog, wala akong dapat ikabahala sa lakas ng hangin dahil hindi nito basta-bastang mababali itong rubber tree dahil taglay nito ang mana ko.

"You can't escape me little florist!" narinig kong sigaw ni Chloe sa ibaba habang nakatingala sakin.

Sa taas nang kinaroroonan ko ay duda akong maaabot niya 'ko. Nandito lang sa tuktok ang bahagi ng puno na merong mga sanga kaya imposibling maakyat niya ito. Pwera na lang siguro kung lalasunin at papatayin niya ito para mawalan ako ng choice kundi harapin siya sa baba. Pero hindi ko siya hahayaang gawin 'yon, magagawa ko siyang atakehin mula rito sa taas at iyon ang gagawin ko. Hanggat nandito ako sa taas ay meron akong 60% chance na manalo at ang kelangan ko lang gawin ngayon ay atakehin siya at pabagsakin bago pa niya maitumba itong rubber tree gamit ang lason niya.

"Hundred vine sprout release!" malakas na bigkas ko.

Mabilis na tumubo ang isang daang malalaking baging sa ibabang bahagi ng katawan ng rubber tree na pinapatungan ko at inatake ng mga ito si Chloe.


Continue Chapter 105