YYU - Chapter 63: They are coming...

 


*** SIRGEL'S POINT OF VIEW ***



Nawala ang bola, saan napunta yun?



Mabilis kong inikot ang aking paningin sa loob ng battle ring at nakita ko ang bola na nakalutang sa hangin sa gilid na bahagi ng west part ng ring. Ito na siguro ang sinisabi ni Crasnelia na sorpresang mangyayari sa round two. Ang bola ay hindi ordinaryo, may kakayanan itong magteleport.



Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa at agad kong tinakbo ang bola. Walang sandali ang pwedeng masayang, kelangan kong makagoal. Hindi makakahadlang sa akin ang pagteteleport ng bola para makapuntos, ako ang mananalo sa labang ito at hindi si Shero.



Habang tumatakbo ako patungo sa direksyon ng bola ay ginamit ko ang aking kapangyarihan. Kinontrol ko ang buhangin sa kanang gutter ng battle ring at hinulmang malaking pamalo. Tinaas ko ang aking kamay para kontrolin ito. Kinumpas ko ang aking kamay at sumabay ang nakahulmang buhangin na parang vaseball bat na pumalo sa bolang nakalutang. Dahil sa pagtama ng buhangin sa bola ay lumipad ito pasalubong sakin. Mabilis kong hinanda ang aking mga kamay at sinalo ko ang bola.



Muli kong nahawakan ang bola, binalik ko naman ang aking paningin sa east side ng battle ring. Nakita ko ang mga mobs na nagsimulang maglaban-laban. Si Kenver na may bakal na katawan ay kalaban si Travis na may batong katawan at domuble ang laki. Si Phoebe naman ay nagpalit anyo at naging malaking Fish ill at kalaban si Lilyu na may kapangyarihan ng kuryente. Si Tristan naman ay nakikipaglaban rin gamit ang kadena niya sa mga baging at mga malalagong halaman ni Xenon.



Napabaling ang mata ko kay Shero, nakadapa ito sa sahig. Pinipilit nitong bumangon, mukhang nanghina siya dahil sa boltahe ng kuryente na tumama sa kanya. Pagkakataon ko na ito para bumawi.



Kumilos ako at hinakbang ko ang aking mga paa. Tumakbo ako habang ang mga mata ko ay nakatuon sa painted score line sa east side ng battle ring kung saan ako maggogoal. Dapat akong makagoal bago pa ulit magteleport ang bolang hawak ko.



Pigil ang hininga ko habang tumatakbo, ramdam ko rin ang malamig na dampi ng hangin na nanunuot sa basa kong damit dahil sa pawis. Malakas at mabilis ang pintig ng aking puso. Ilang hakbang na lang makakagoal na ko ng biglang napahinto ako sa pagtakbo.



Hindi ko maigalaw ang aking katawan. Si Shero, ginamit niya sakin ang blood manipulation.



"Ahhhhhhhhhhhhh!!!!!" Isang sigaw ang kumawala sa aking bibig dahil sa sakit na biglang sumukob sa buo kong katawan. Parang puputok ang lahat ng ugat ko sa katawan, subrang sakit ang aking nararamdaman dahil sa blood manipulation.



Napaluhod ako sa sahig dahil sa sakit na aking naramdaman. Parang hindi ako makahinga dahil sa ginagawa ni Shero. Nanghihina ang buo kong katawan at naramdaman ko na lang na bumigay ang magkabila kong braso kung kaya nabitawan ko ang hawak kong bola.



Nakita kong gumulong ang bola sa harapan ko. Gusto ko itong kunin pero hindi ako makakilos. At naramdaman ko na lang na lumutang ako sa hangin at tumilapon sa kaliwang barrier ng battle ring. Bumagsak ako sa sahig at napahawak ako sa aking sikmura dahil ito ang napuruhan sa aking pagbagsak.



Napalingon ako sa direksyon ni Shero at nakita ko siyang tumatakbo patungo sa bola. Hindi naman napansin ni Shero na nasa likuran niya si Travis at hinahabol siya nito. Si Kenver ay nasa likuran naman ni Travis at tumatakbo rin. Dalawang hakbang pa at naabutan ni Travis si Shero. Dahil sa laki ni Travis kung kaya walang kahirap-hirap dito na dukotin si Shero sa likuran ng damit at itinapon ito sa barrier. Bumagsak sa sahig si Shero samantala naabutan naman ni Kenver si Travis at magkakasunod na suntok ang binigay niya dito.



Napatingin ako sa bola na ilang dipa lang ang layo sakin at bigla itong naglaho. Mabilis naman na nahagip ng mga mata ko kung saan ito biglang lumabas. Nakalutang ang bola sa tapat ng painted score line kung saan ako maggogoal, malapit lang ito sakin.



Wala ng pagdadalawang isip at mabilis akong tumayo na hindi alintana ang sakit sa aking sikmura at tinalunan ko ang bola para makagoal...





*** ARCKZY'S POINT OF VIEW ***



Nakatanaw ako sa labas ng nakabukas na bintana at mula sa kinatatayuan ko ay nakita ko ang patuloy na pagbagsak ng malakas na ulan na tumatagos sa munting liwanag na nagmumula sa ilaw ng poste sa harden na kinukumutan ng kadiliman ng gabi.



Umihip ang malamig na hangin...



Napabaling ang paningin ko sa aninong gumapang papasok sa nakasaradong pintuan ng malapad na silid na kinaroroonan ko.



Tahimik kong pinagmasdan ang anino hanggang sa huminto ito sa tapat ng maliit na entablado sa isang sulok ng silid. Nakita kong umangat ang anino at unti-unti ay nagkaroon ito ng hulma, nagpalit anyo ito bilang tao na nababalot ng itim na kapa. Si Avan.



"Sensei, compirmado po. Dalawa sa elemental user ang kasali sa quadrangular match. Ang earthist at ang aquaist." Pagbibigay impormasyon ni Avan sa matandang lalake na nakasuot ng abong kasuotan at nakaupo sa malaking silya sa taas ng munting entablado.



Katahimikan...



Binaling ko ang aking paningin sa ibang mga taong nasa silid na katulad ko at ni Avan ay nakasuot rin ng itim na kapa. Nakatingin ang mga ito sa maliit na entablado at naghihintay sa tugon ng matandang lalake.



Napatingin ako sa matandang lalake at nagtama ang aming paningin.



"Alam mo na ang dapat mong gawin." Isang maikling pangungusap mula sa matanda para sa akin.



Isang buntong hininga ang aking pinakawalan. "Opo Ama ko." Tugon ko dito.


Continue Chapter 64