HU - Chapter 8

 


*** AUTUMN'S POINT OF VIEW ***



Earlier. (Bago mapaaway si Shero sa hallway)

Napahinto ako sa pagtugtog ng plauta at napabaling ang paningin ko nang biglang sumiwang ang nag-iisang pinto ng aking silid. Saglit akong natigilan at naghintay sa susunod na mangyayari, pero lumipas ang ilang segundo at wala namang kakaibang nangyari, narito pa rin ako sa aking silid, nakaupo sa kama at hawak-hawak pa rin ang plauta.

Ang pagsiwang ng pinto ng aking silid ay nagdulot sa akin ng pagtataka, dati kasi kapag sumiwang o bumukas ito ay natatagpuan ko na lang ang aking sarili sa katawan ni Shero, pero ngayon ay walang ganoong pangyayari.

Ano kaya ang meron sa labas ng pintuan na 'yan? Napabulong ako sa aking sarili.

Ayaw kong lumapit at sumilip doon gawa ng baka mapahamak ako pero dulot ng kyuryosidad ay hindi ko napigil ang aking sarili. Simula ng mabuo ako ay hindi ko pa nasilayan ang labas ng pintuan na iyon, at ngayon ngang bukas ito, bakit ko ipagkakait sa aking sarili ang pagkakataon na makita ang kabilang bahagi nito.

Tumayo ako at nilapag ko ang hawak na plauta sa kama. Humakbang ako palapit sa nakasiwang na pinto at kasabay nu'n ay naramdaman ko  ang pagbilis ng pintig ng aking puso. Nakaramdam ako ng kaba.

Nang makalapit na ako sa pinto ay sumilip ako sa labas, at mula sa kinaroroonan ko ay natanaw ko sa kalangitan ang malaki at bilog na buwan na animo'y nakatunghay sa akin, sa paligid nito ay nakalatag naman ang mga mumunting bituin na may iba't-ibang kulay. At sa baba, hindi kalayuan sa akin ay merong malapad na puting bilog na entablado na kumikinang ang sahig, parang binudburan iyon ng star dust. Doon sa entablado ay merong mga nakapalibot at nakarugtong na mga hagdan pataas, anim lahat iyon at ang bawat isa ay merong tig-iisang pinto sa tuktok na iba-iba ang kulay at desinyo, at isa rito ang pinto ng silid ko.

Sa gitna ng entablado ay merong makapal na puting usok na para ring munting ulap kung titignan, sa ibabaw nu'n ay merong nakahiga at himbing na natutulog, at kung hindi ako nagkakamali iyon ay si Shero. Nakapalibot sa kanya ay ang tatlo pang mga kamukha namin. Hindi ko sila kilala, pero nasisiguro ko, katulad ko ay mga split personality din sila ni Shero. Pareho kaming lahat na nakasuot ng puting kasuotan at ang pagkakaiba lang namin ay ang kulay ng aming mga buhok.

Lumingon silang tatlo sa direksyon ko at tuluyan na nga akong lumabas ng pintuan. Hinakbang ko ang aking mga paa pababa sa hagdan na merong mga magaganda at nagliliwanag na mga bulaklak sa gilid.

Pagkababa ko ay agad na akong lumapit sa kanila at isa-isa silang nagpakilala sa akin. Si Sky ang may asul na buhok, si Sunset ay purple at si Hill naman ay brown. Kung ano ang kulay ng kanilang buhok ay ganu'n rin ang kulay ng kanilang mga mata, at maging sa akin ay ganu'n rin, pula ang buhok at mga mata ko.

Magkamukha kaming apat pero magkakaiba kami ng mga personalidad. Nabuo ang katauhan namin ayon sa character at papel na gusto ni Shero para sa amin. Bawat isa sa amin ay binuo dahil merong kaming layunin, at iyon ay gampanan ang mga kakulangan ni Shero bilang siya.

Tinitigan ko si Shero na himbing na natutulog at agad ko ring binawi ang paningin ko, wala namang bago rito, kahit magkaiba kami ng kulay ng buhok ay kamukha ko pa rin ito.

Nilibot ko ang aking paningin at tinignan ko ang mga pinto, anim lahat iyon at isa roon ay sarado.

Nagsalita si Sky kaya napabaling ako rito, "Ang saradong pinto na 'yan ay pinto ng silid ni Shero. D'yan siya nagkukulong kapag may ganap ang isa sa atin," anito. Marahil ay napansin nito na natigilan ako nang madako ang paningin ko sa pintong iyon kaya inunahan niya na ako.

"Ganap?" sabi ko.

"Ganap, ibig niyang sabihin kapag tinake-over o pinapalitan natin si Shero," sabi ni Sunset.

Tumango ako bilang tugon, "Ano pala ang nangyari at bumukas ang mga pinto ng mga silid natin? Ngayon lang din ba kayo nakalabas sa pinto ng mga silid niyo?" tanong ko sa kanila.

Nagsalita si Hill, "Dinala ni Cazer si Shero sa future at nalaman nito na namatay si Tristan, dahilan para maging unstable ang emosyon at isip nito kaya bumukas ang mga pinto niyo," anito.

Napakunot ako ng noo, "Niyo? Bakit niyo?" sabi ko habang nakatingin kay Hill.

"Hindi na bago sa akin ang mga nangyayari, nabuo ang katauhan ko para proteksyunan ang feelings ni Shero, sa madaling salita wala akong emosyon. Tuwing down o unstable ang emosyon ni Shero, ang pinto ng silid ko ay bumubukas nang kusa kaya nakakalabas ako. Hindi katulad sa inyong tatlo na madalang lang. Kahapon nga ay pinalitan ko si Shero dahil bumigay ito dahil sa lungkot," mahabang paliwanag ni Hill.

Marami akong hindi alam, at tama si Hill,  subrang madalang ang ganap ko. Simula nga nang mag-aral si Shero sa Yinyang ay hindi na ako nakalabas pa. Hindi ko nga alam kung sino itong Tristan na sinasabi ni Hill at ganun na lang ka affected si Shero dito.

"Sino si Tristan?" tanong ni Sky.

Katulad ko, mukhang sina Sky at Sunset ay wala ring mga alam sa kasalukuyang mga nangyayari kay Shero.

"Boyfriend ni Shero si Tristan," sagot ni Hill.

Nagkatinginan kaming tatlo nina Sky at Sunset. Walang mga reaksyon.

Biglang naghari ang katahimikan sa aming apat kaya muli ay nagsalita na ako at nagtanong, "Bakit anim pala ang pinto eh lima lang naman tayo?"sabi ko.

Si Sunset ang sumagot, "Ang itim na pintong iyon ay pinto ng silid ni Shino," anito na nakatingin sa direksyon ng itim na pinto.

"Shino?" nakakunot noong bigkas ko.

"Si Shino ang masamang katauhan ni Shero, nakakulong siya sa silid na iyan, kaya kahit nakabukas ang pinto niya ay hindi siya makalabas," sabi ni Sky sabay lingon sa itim na pinto.

"Paanong nakakulong?" sabi ko.

Binalingan ako ni Sky at nagkibit balikat ito.

Sumagot si Hill, "Nakakadena siya sa loob," anito.

Dahil sa ideyang may isang katauhan kaming kasama na nakakulong ay bigla akong nabalot ng mga katanungan. At isa na roon ay kung paano nalaman iyon ni Hill, ibig sabihin ba nito ay nakapasok na siya sa loob ng silid ni Shino? Sina Sky at Sunset ay nakapasok na rin kaya sa loob?

"Si Shero ba ang nagkulong kay Shino?" tanong ko.

"Iyon ang hindi ko alam," sagot ni Hill.

"Lahat tayo ay nakakulong, walang malaya sa atin, ang pinagkaiba lang natin kay Shino ay hindi tayo nakakadena," sabi ni Sunset.

Natigilan ako sa sinabi nito, may punto nga siya. Nakabilanggo kami, hindi kami malaya, nakakalabas lang kami kapag kelangan kami ni Shero.

"Pwede ko bang makita si Shino?" tanong ko.

Tinitigan nila akong tatlo at nakita ko ang iba-iba nilang mga reaksyon. Blanko ang reaksyon ni Hill samantala medyo nakakunot naman ang noo ni Sky at bahagya namang nakataas ang isang kilay ni Sunset.

"Gawin mo kung ano ang gusto mo," sabi ni Hill at tumalikod na ito. Tinungo nito ang hagdan at umakyat patungo sa kulay grey na pinto.

Binalingan ko sina Sky at Sunset, "Nakapasok na kayo sa silid ni Shino?" tanong ko sa kanilang dalawa at sabay silang umiling.

"Sinabi lang ni Hill sa amin ang tunkol kay Shino," sabi ni Sky.

Kung ganun si Hill pa lang ang nakapasok at nakakita kay Shino, pero malay ba namin kung nagsasabi siya ng totoo. Pano kung wala naman pala talagang Shino? Kung sa bagay ay wala itong dahilan para magsinungaling, pero mabuti na 'yong makita mismo ng mga mata ko kung ano ang meron sa loob ng silid ng itim na pinto.

"Sige kung ayaw niyong sumama ako na lang," sabi ko sa dalawa.

Inakyat ko ang hagdan patungo sa itim na pinto, pagdating sa taas ay agad na akong pumasok sa loob ng silid nang walang pag-aalinlangan. Agad namang sinalubong ang paningin ko ng kadiliman ng paligid at bumungad sa harapan ko ang isang malapad at mataas na double door na merong mga sulo na nakahilira pataas sa magkabilang gilid. Bahagyang nakabukas ang pinto kaya pumasok na ako, at isang mahabang tulay sa gitna ng kadiliman ang binagtas ko bago ko marating ang isa pang pinto.

Sa kabuuan ay tatlong pinto ang pinasukan ko bago ko marating ang kinaroroonan ni Shino.

Pagpasok ko sa silid ay agad kong nakita si Shino na nakatayo at nakasandal sa pader, nakayuko ito at nakakadena ang magkabila nitong mga kamay at mga paa. Totoo nga ang sinasabi ni Hill.

Hinakbang ko ang aking mga paa sa sahig na nababalot ng manipis na tubig at unti-unti akong lumapit dito. Sa sandaling iyon ay magkahalo ang nararamdaman ko, kaba, pagtataka at kyuryosidad.

Nang mga dalawang dipa na lang ang layo ko kay Shino ay huminto na ako sa paghakbang. Dahan-dahan naman itong nag-angat ng ulo at tinitigan niya ako sa mga itim niyang mga mata na tumerno sa itim niyang buhok at kasuotan.

Dahil sa mga sulong nakalutang sa paligid kung kaya malinaw kong nakita ang pagguhit ng ngiti sa labi nito na nauwi sa pag-ngisi, "Sa wakas at nagkaroon din ako ng bisita, ano ang pangalan mo kawangis ko?" anito.

"Autumn," ikling sagot ko.

"Kay gandang pangalan, autumn, ang panahon ng pagkalagas ng mga dahon. Maramil Autumn ang pangalan mo dahil sa pula mong mga mata at buhok na kahalintulad sa mga nalalagas na mga pulang dahon ng maple tree. Mukhang magiging magkakampi tayo," sabi nito.

Napakunot ako ng noo, "Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ko rito dahil hindi malinaw sa akin kung ano ang gusto niyang ipahiwatig sa sinabi niyang magkakampi.

Ngumisi ito nang nakakaluko, "Lumapit ka at may ibubulong ako sa'yo,".

Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa sinabi niya, pwede niya namang sabihin na lang pero gusto niyang ibulong pa sa akin, para namang may ibang makakarinig sa amin eh dalawa lang naman kami rito sa silid.

Humakbang ako palapit rito at binulungan niya ako. Matiim naman akong nakinig sa bawat salita na binibitawan niya. Pagkatapos niyang ibulong sa akin ang gusto niyang sabihin ay umatras ako ng ilang hakbang.

"Ang flamist?" sabi ko.

Tumango si Shino at ngumisi.

Tumaas ang isang kilay ko at napangisi na rin. "Di kita bibiguin," sabi ko at tumalikod na.


Continue Chapter 9