YYU - Chapter 102: Kizuki

 


*** MARU'S POINT OF VIEW ***



Ramdam ko ang pagbuhos ng malakas na ulan sa aking balat at ramdam ko ang kalamigan nito na nanunuot sa aking katawan. Basang-basa ako at hindi ako natutuwa sa lagay na 'to, kung kaya ko lang sanang patilahin ang ulan na 'to ay ginawa ko na kaso nga lang ay wala akong kakayahan na gawin iyon kaya ano pa nga ba ang magagawa ko kundi ang magtiis. Isa akong wall walker, may kakayahan akong tumagos sa mga solidong bagay at hindi sa tubig kaya itong ulan ay malayang bumubuhos sakin.

Ilang sandali pa lang ang nakalipas nang lumabas ako sa pulang portgate at ngayon ay naglalakad ako sa madilim at hindi pamilyar na lugar, kahit papaano'y naaaninag ko ang dinadaanan ko dahil sa mga light fragments na nagkalat sa paligid. Hindi ko alam kung nasaan ako pero sa tingin ko ay nasa gitna ako ng kagubatan. Napapalibutan ako ng iba't-ibang uri ng mga naglalakihan at nagtataasang mga puno at ang lupa naman sa ilalim ng aking mga paa ay nakukumutan ng mga nalagas na dahon at merong mga malalagong damo at sari-saring mga halaman. Maririnig sa paligid ang iba't-ibang huni ng mga hayop, mga kuliglig, ibon, palaka at kung anu-ano pa. Sumasabay ang huni nila sa ingay ng malakas na ulan.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na umapak ako dito sa war zone dahil kahapon ay hindi ako nakapaglaro dito gawa ng pagkakaospital namin nina Keith at Shero. At ngayon nga ay nandito na 'ko at ibang klase ng pakiramdam ang nararamdaman ko ngayon kumpara sa laban ko noong night keeper's match. Subrang intense ng pakiramdam ko at subrang excited ako sa laban na ito dahil sa naghihintay na National Match, hindi na bago sakin ang announcement ng Head Order tunkol sa N'match dahil nalaman na namin ito nina Lilyu at Shero bago pa iyon sabihin pero yung ideya na kapag nakasali ka sa sampung players at lalaban sa mga taga-Highness ay kakaiba talaga, kaya kahit na ano man ang mangyari ay dapat akong manalo sa final game na ito.

Tumigil ako sa paglakad nang may marinig akong boses na umaangil sa aking likuran at dahil dito ay mabilis akong napalingon doon. Tulad ng inaasahan ko ay meron akong mob na nakita at hindi lang isa kundi dalawa pa. Narun sila hindi kaluyuan at tumatakbo palapit sa direksyon ko. Sa unang tingin pa lang ay alam ko na kung ano ang mga ito, mga higante sila. Doble ng taas ko ang taas nila at tripli ng laki ko ang laki ng katawan nila. Mabilis silang nakalapit sakin at hindi nila ako inatake. Nakatayo silang dalawa sa harapan ko mga apat na dipa ang layo sakin at dito sa malapitan ko nakita na wala pala silang mga mata at meron lang ilong at bibig. Sa tingin ko ay mag-asawa sila, ang isa ay kalbong lalake at ang isa naman ay babae na merong magulo at hanggang balikat na buhok. Ang kanilang kabuuang itsura ay hindi maganda at hindi kaaya-aya sa paningin, maitim ang kanilang balat at parang basahan ang mga suot nila. At ang amoy nila ay subrang tapang, hindi ko maipaliwag ang amoy nila pero subrang baho nito na siguro kung mahina lang ang sikmura ko ay nasuka na ko.

Tinakpan ko ang aking ilong dahil sa mabahong amoy na kumalat sa hangin pero huli na ang lahat. Kung gaano kabilis na nakalapit ang dalawang higante sakin ay ganun din kabilis na umapekto sa katawan ko ang amoy nila. Nakaramdam ako ng pagkahilo at lumabo ang paningin ko. Naglaho sa paningin ko ang dalawang higante at nakita kong nagsimulang gumalaw ang lahat ng nasa paligid ko, ang mga puno, mga baging, damo at mga halaman. At naagaw ang atensyon ko sa isang tao na bigla na lang lumitaw sa kanan ko. Nakatalikod siya sakin at nakatayo sa tabi ng malaking puno, nakasuot siya ng kulay puting pantalon at puting long sleeve, at ang kanyang buhok ay kulay brown. Kahit na malabo ang paningin ko at nakatalikod ang lalakeng ito sakin ay kilala ko pa rin kung sino siya.

"Kizuki?" bigkas ko sa pangalan niya na may pagtataka. Anong ginagawa niya dito? Bakit siya nandirito?

Lumingon siya sakin at dahil malabo ang paningin ko kung kaya hindi klaro sa aking mga mata ang kanyang mukha. "Maru tulungan mo 'ko," mahinang tugon ng pamilyar niyang boses. Sunod ay nakita ko siyang humakbang at tumakbo palayo.

Saglit akong hindi nakakilos sa kinatatayuan ko, "Kizuki sandali," sigaw ko at hinabol ko siya. Mga ilang hakbang na lang at maaabotan ko na siya nang bigla akong napahinto sa pagtakbo.

"Ahhh!!!" Isang sigaw ng daing ang kumawala sa kanyang bibig. At mula dito sa kinatatayuan ko ay nakita ko siyang bumagsak nang patihaya sa lupa at nakita kong may kumalat na pulang likido sa kanyang puting damit. Dugo, kumakalat ang dugo sa kanyang damit mula sa sugat sa kanyang dibdib.

"The sweet scent of blood."

Napatingin ako sa lalakeng nagsalita na nakatayo sa tabi ng walang buhay na si Kizuki. Nakasuot siya ng ternong kulay itim na pantalon at long sleeve, at sa kanang kamay niya ay meron siyang hawak-hawak. Iyon ang... Iyon ang puso na dinukot niya sa dibdib ni Kizuki.

Malabo ang paningin ko pero alam kong nakatingin siya sakin at alam kong nakangiti siya, "She.. Shero?" mahina at matamlay na sambit ko sa kanyang pangalan at naramdaman ko ang pagdaloy ng aking mga luha saking pisngi na humalo sa tubig ulan. Binawi ko ang aking paningin sa kanya at binalingan ko si Kizuki sa lupa. Hinakbang ko ang aking mga paa palapit dito, mabagal at mabibigat ang mga hakbang ko. Nanginginig ang buo kong katawan at naninikip ang aking dibdib, para akong sinukluban ng langit at lupa dahil sa mga pangyayaring ito.

Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha at nang tuluyan na akong makalapit kay Kizuki ay napaluhod ako sa kanyang tabi at awtomatikong yumakap ang mga kamay at braso ko sa wala nang buhay niyang katawan.

"Kizuki!!!" kumawala ang sigaw ng pighati sa aking bibig at lalong humigpit ang pagkakayakap ko sa kanya.

Ilang sandali pa at naramdaman kong may humawak sa balikat ko. Inangat ko ang aking ulo at nakita ko si Shero na nakatunghay sakin, "Tara na," sabi niya.

Binalingan ko si Kizuki saking mga bisig at dahan-dahan kong binaba ang kanyang katawan sa lupa at pagkatapos ay tumayo ako. Tinitigan ko si Shero saking tabi, "Shero," mahinang sambit ko sa kanyang pangalan at mahigpit ko siyang niyakap habang patuloy pa rin ang aking pagluha.

Naramdaman kong tinugon niya ang yakap ko, "Hindi mo siya kelangan," bulong niya sakin.


Continue Chapter 103