YYU - Chapter 97: The Side Effect (Part 2)

 


*** SHERO'S POINT OF VIEW ***



Sa sitwasyong 'to ay uunahan ko na silang dalawa bago pa sila magreact at mag-isip ng kung anu-ano, "Papasok ba kayo o hindi? Kung ayaw niyong pumasok pakisarado ng pinto at may pasyente pa kong kelangang gamutin," sabi ko habang palipat-lipat ang paningin ko sa kanila, nakasuot ng kulay brown na t-shirt at asul na shorts si Lilyu samantalang nakasuot naman ng kulay pulang sando at itim na pants si Tristan.



Hindi sila umimik at nagtinginan muna bago pumasok. Naunang humakbang si Lilyu at lumapit samin at si Tristan naman ay sinarado muna ang pinto at saka sunod na lumapit. Nanatili namang nakapikit si Maru at hindi pinansin ang pagdating ng dalawa.



Dumulog sa tabi ko si Tristan at nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo ng dumapo ang paningin niya sa sugat ni Maru, "Anong nangyari at nagkasugat siya diyan?" tanong niya at tinitigan ako.



Hindi ako nagsalita at isang kibit balikat lang ang tinugon ko sa kanya. Hindi naman kasi sinabi sakin ni Maru kung ano ang nangyari sa kanya kaya wala akong ideya kung paano at saan niya nakuha itong sugat niya. Ayaw ko naman siyang pilitin na sabihin sakin ang tunkol dun dahil privacy niya yun at saka baka pagginawa ko yun ay baka isipin pa niyang napaka osyosero ko.



Binaling ko ang paningin ko kay Lilyu  ng kumilos ito at dumungaw sa bintana, "Kung hindi ako nagkakamali ang sugat na yan ay side effect ng dark spell," sabi niya nang nakatanaw sa labas ng bintana.



Napakunot noo ako sa aking narinig, "Side effect ng dark spell?" sabi ko habang nakatingin sa direksyon niya at binalingan ko si Maru sa aking tabi.



"Oo, tama ang narinig mo," sabi niya at muling humarap samin, "Merong dalawang side effect ang paggamit ng dark spell o black magic sa mga casters, at isa ang pwede nilang makuha. Una, sa paggamit ng dark spell ay maaari silang mawalan ng abilidad sa paggamit ng ibang light spell, o pangalawa ay maaaring magkaroon sila ng isang malubhang sugat sa katawan."



Sandali kaming nagkatinginan ni Tristan dahil sa aming mga narinig at binalik ko ang aking paningin kay Maru. Nakita ko siyang dumilat at tinitigan ako. Blanko ang ekspresyon ng kanyang mukha at parang binabasa ang iniisip ko. Kung ganun kaya pala ayaw niyang sabihin sakin kanina kung ano ang sanhi nitong sugat niya dahil side effect pala to ng paggamit niya ng dark spell. Kung tama ang sinasabi ni Lilyu ibig sabihin nun ay hindi pala basta-basta at ordinaryo itong sugat niya. Nagtataka tuloy ako, alam niya naman siguro ang mangyayari sa kanya kapag gumamit siya ng dark spell pero bakit niya iyon ginawa? Hindi man lang niya isinaalang-alang ang kapakanan niya kaya tuloy ito ang napala niya. Kung ano man ang dahilan niya sa paggamit ng dark spell ay labas na kami roon at sa parte ko bilang kateammate niya at may healing skill ay kelangan ko siyang tulungan.



Kumilos si Maru at akmang babangon kaya mabilis ko siyang pinigilan, "Mahiga ka lang diyan," sabi ko.



Hindi siya nagsalita at iniwas ang tingin sakin. Isang buntong hininga naman ang pinakawalan ko. Parang napressure ako nang marinig kong epekto ng dark spell itong sugat niya. Sigurado akong mahihirapan akong pagalingin ito. 



"Sa tingin ko kelangan muna naming lumabas ni Lilyu," sabi ni Tristan at pinisil niya ang balikat ko, "Kaya mo yan," aniya at nakita ko ang pagkabahala sa kanyang mukha. Tumango ako sa kanya at pinanood ko ang paglabas nila ni Lilyu sa silid. Sumarado ang pinto at naiwan kami ni Maru na walang mga imik. 



Binasa ng dila ko ang nanunuyo kong mga labi at huminga ako ng malalim. Kelangan ko lang maging positibo, alam kong kaya ko to. Binalingan ko si Maru at nagtama ang paningin namin, "Simulan na natin," sabi ko.



Nakita ko siyang bahagyang tumango at saka pumikit. Pinakalma ko naman ang aking sarili at naramdaman ko ang pagdaloy ng aking mana sa buo kong katawan. "Kaya ko to," mahinang bulong ko sa aking sarili at inangat ko ang aking mga kamay sa ibabaw ng sugat niya. Naramdaman kong uminit ang mga kamay ko at nabalot ito ng mapusyaw na kulay asul na liwanag.



Naramdaman kong lumabas ang mana ko sa magkabila kong mga palad patungo sa sariwang sugat ni Maru at bigla akong nakadama ng subrang init sa aking mga kamay. Naalala ko bigla iyong gabi na ginamot ko si Travis, parang ganito rin iyong naramdaman ko pero ngayon ay may hapdi at sakit na akong nadadama na dati ay wala naman.



Ilang sandali pa at naramdaman kong parang mas lalong sumasakit at humahapdi ang mga kamay ko. Sa tingin ko ay dulot ito mismo ng sugat na gawa ng dark spell. Mukhang mahihirapan ako sa lagay na to at kelangan kong tiisin ang sakit para mapagaling si Maru. Wala naman akong dapat ikabahala at alalahanin sa sarili ko dahil alam kong kakayanin ko 'to. Kelangan kong tulungan si Maru ano man ang mangyari dahil baka mas lalong lumala itong sugat niya kapag hindi ko ito ginawa.





*** TRISTAN'S POINT OF VIEW ***

Kanina pa ko hindi mapakali dito sa inuupuan ko habang si Lilyu naman ay kampante at tahimik na nanunuod ng cartoons sa tv sa harapan ko. Nandito kami sa sala at hinihintay ang paglipas ng isang oras para muling balikan sina Shero at Maru sa taas, almost 40 minutes na rin ang lumipas simula ng iwan namin sila roon sa silid at kelangan pa naming maghintay ng 20 minutes.



Nag-aalala ako kay Shero ngayon dahil baka sa pagtulong niya kay Maru ay siya naman itong mapasama katulad sa nangyari sa kanya noong pinagaling niya si Travis. Alam kong hindi pa siya sanay sa paggamit ng healing skill niya kaya natitiyak kong hindi maganda ang magiging epekto nun sa kanya.



Naputol ang aking iniisip at napalingon ako kina Travis at Karrice nang bigla silang lumitaw sa sala. Kagagaling lang nilang dalawa sa Haven mini-hospital para alamin ang balita kina Prop Arelan at sa mga bisita ni Keith na naiwan doon kanina. Kumilos sila at umupo sa tabi ni Lilyu at nakita ko si Travis na dinampot ang baso ni Lilyu na may laman ng juice at ininom iyon. Pagkatapos maubos ang laman ng baso ay pinatong niya ulit iyon sa center table at sumandal sa sofa.



"Anong balita sa mga bisita at kay Prop Arelan?" simula ni Lilyu na ang paningin ay nakatutok pa rin sa TV.



"Nakalabas na sila two hours after madischarge sina Maru kanina, at saka sabi ng nurse na nakausap namin ay okay na silang apat," sagot ni Karrice na narun rin sa TV ang atensyon.



Nilingon naman ako ni Travis, "Asan sina Shero?" tanong niya.



"Nasa taas, ginagamot niya ang sugat ni Maru na sanhi ng dark spell," sagot ko at bumuntong hininga.



Mabilis akong binalingan ni Karrice na magkasalubong ang mga kilay, "What?!" aniya.



"Sabi ko ginagamot ni Shero ang sugat ni Maru na epekto nang paggamit nito ng darkspell," may diin na ulit ko.



Tumayo si Karrice, "Oh! I think that is not a good idea," sabi niya na nakapako ang tingin sakin.

Napakunot ako ng noo, "Bakit?" tanong ko sa kanya.



"Magcoconsume ng malaking mana ang healing skill, to think na meron tayong laban bukas sa tingin ko kelangang ereserve ni Shero ang mana niya para dun," sabi niya na may pag-aalala.



Nilingon ni Lilyu si Karrice at nagsalita, "He is an aquaist, he has plenty of mana in his body at saka bilang elemental user mabilis lang magregene ang kanilang mana," aniya.



Umiling si Karrice habang nakatingin kay Lilyu, "Well, for your information Shero is dealing with an extra ordinary lesion caused by a dark spell, knowing na hindi pa sanay si Shero sa healing skill niya im pretty sure maraming mana ang mawawala sa kanya," pahayag niya.



May punto si Karrice, bakit nga ba hindi namin naisip yun kanina? Mabilis akong tumayo, "Travis, kelangan nating pumunta sa silid nila Shero ngayon," sabi ko at lumapit ako sa kanila.



Tumayo si Travis at hinila ko naman ang braso ni Lilyu kaya napatayo ito ng wala sa oras. Inakbayan ako ni Travis at saka hinawakan niya ang kamay ni Karrice at gamit ang kanyang kapangyarihan ay napunta kami sa silid kung saan narun sina Shero at Maru.



Pagdating sa silid ay agad kaming sinalubong ng isang eksenang nagpatigil sa aming mga hininga. Nakadapa si Shero sa sahig nang walang malay at ang bahagi ng sahig kung saan siya nakadapa ay nababalot ng makapal na yelo. Samantala si Maru naman ay nakahimlay sa ibabaw ng kama at wala ring malay at sa nakikita ko ay magaling na ang sugat nito sa kanyang tadyang.



Bigla naman akong naalarma nang dumapo ang paningin ko sa pulang mantsa na nakabakas sa puting pajama ni Maru pati na sa bed cover. Hindi ko na kelangan pang hulaan kung ano yun at kung sino ang nagmamay-ari nun dahil sigurado akong dugo iyon ni Shero.


Continue Chapter 98