HU - Chapter 7

 



*** SHERO'S POINT OF VIEW ***



Hapon na nang magising ako dito sa aking silid sa HU, at sa kabutihang palad ay nakabalik na ako sa kasalukuyan. Pagmulat ko ay sina ate Fame at Cazer ang agad na sumalubong sa aking paningin, bakas sa mukha ng mga ito ang pag-aalala at mga katanungan.


Sunod-sunod ang mga tanong ni Cazer sa'kin samantalang si ate Fame naman ay nakikinig lang sa amin.


Ang huling katanungan ni Cazer sa'kin ay, kung ano daw ang huli kong naaalala sa nangyari sa'kin sa hinaharap. Sinagot ko naman ito na, nakita ko siyang sinaksak ng espada at kasunod no'n ay nakarinig ako ng dalawang putok ng baril, tumama iyon sa lalaking sumaksak sa kanya na nakasuot ng maskara dahilan para bumagsak ito. Kasunod no'n ay may nakita akong tatlong tao na patungo sa direksiyon namin, pero hindi ko nakita ang kanilang mga mukha dahil nawalan na ako ng malay.


Hanggang doon lang ang aking mga naalala. Pagdilat ko ay narito na ulit ako sa aking silid at baon ang masamang ala-ala sa hinaharap na dapat ay mapigilan sa kahit na ano mang paraan.


Kinagabihan, bandang alas otso nang matapos akong maghapunan sa aking silid, sa HU kasi ay merong option ang mga estudyante na magpahatid ng pagkain sa kanilang mga silid kung ayaw nilang bumaba sa dining hall, at ito nga ang ginawa ko. Pagkatapos kong magpahinga nang ilang minuto ay napagpasyahan kong puntahan si ate Fame sa kanyang silid na hindi naman kalayuaan sa aking silid.


Naglalakad ako sa hallway nang harangin ako ng dalawang lalaki na sa tantiya ko ay hindi malayo ang mga edad sa akin, at tulad ko ay nakasuot rin ang mga ito ng pantulog. Huminto ako sa paglakad at napakunot ng noo, pinalipat-lipat ko sa kanila ang aking paningin. Anong trip ng dalawang ito at hinarang ako? Nagulat na lang ako nang bigla akong itulak ng lalaking may berdeng buhok sa pader, at gamit ang kaliwa niyang kamay ay hinawakan niya ko sa damit banda sa aking balikat.


"Ikaw si Shero 'di ba?" tanong nito sa'kin sa pagalit na tuno.


"O-oo, bakit?" nagtatakang tugon ko habang nakatingala sa mukha nito dahil mas matankad ito kay sa sa'kin.


Ngumisi ito at nagsalita, "So ikaw pala ang dahilan kung bakit nabalian ng buto ang pinsan ko," anito.


"Pinsan mo? Bakit ano ba'ng ginawa ko?" naramdaman ko ang pag-init ng magkabila kong tenga dahil sa patutsada nito, wala akong ideya sa kanyang mga sinasabi.


"Ah nagmamaangan ka pa ha," sabi nito at tinaas ang kanang kamao para suntukin ako sa mukha.


Sa walang kadahilanan naman ay mabilis at kusang gumalaw ang isang kamay ko, at bago pa tumama sa mukha ko ang kamao nito ay tumilapon ito sa pader at bumagsak sa sahig dahil sa blood manipulation. Akma rin akong susugurin ng kasama nito pero maging ito ay tumilapon din sa pader. Parehong namilipit sa sakit ang dalawa sa sahig dahil sa pagtama nila sa solidong pader.


Sa pangalawang pagkakataon ay naranasan ko na may ibang kumukuntrol sa katawan ko at wala akong magawa kun'di panoorin ang mga nangyayari. Natagpuan ko ang aking sarili na lumapit sa lalaking may berdeng buhok at inapakan ko ito sa kanyang pisngi.


"Arayyy!!! Ahhh!!!" Daing ng lalaki habang pinipigilan nito ang paa ko na nakaapak sa kanyang pisngi na sa sandaling iyon ay padiin na nang padiin.


Nakikita kong nasasaktan ang lalaki sa aking ginagawa at gusto kong tigilan na ito pero hindi ko magawa, may kumukontrol sa katawan ko at marahil ito ay si Shino.


"Hoy anong ginagawa mo?! Itigil mo yan?"


Napaangat ako ng ulo at nakita ko ang isang matankad na lalaki na nakasuot ng HU uniform na tumakbo sa direksyon namin. 


Sa sandaling iyon ay nakalaya naman ako sa kung sino mang kumukontrol sa katawan ko. Mabilis kong inalis ang paa ko sa pisngi ng lalaki at umatras ng ilang hakbang. Natigilan ako at tangi ko na lang  nagawa ay panoorin ang lalaking nakauniporme  habang tinutulungan nitong patayuin ang dalawang lalaki na humarang sa'kin.


Nakita kong dumudugo ang ilong ng lalaki na may berdeng buhok, dahil do'n ay nakaramdam ako ng guilt. Gusto ko sana itong lapitan at pagalingin gamit ang kapangyarihan ko pero hindi maaari dahil natitiyak kong mamasamain lang din nito ang gagawin ko.


"Sorry hindi ko..." paghingi ko ng paumanhin pero hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil sumabat ang lalaking nakauniporme.


"Tumahimik ka!" bulyaw nito sa'kin, "Wala kang karapatan na gawin ito sa kapatid ko!" pasigaw na sabi nito at nakita kong nagkaroon ng bilog na asul na liwanag ang kanang kamay nito, at walang ano-ano'y binato niya iyon sa akin.


Dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi ako naka-ilag, tumama sa sikmura ko ang asul na liwanag dahilan para humandusay at sumubsob ako sa sahig. Naramdaman ko ang kirot sa aking sikmura, para akong sinuntok  ng bente katao nang sabay-sabay, halos mamilipit ako sa sakit na aking naramdaman.


Kasunod naman no'n ay narinig ko ang pagsigaw ni ate Fame.


"Shero!!!" sigaw ni ate Fame, umalingawngaw ang boses nito sa hallway.


Napabaling ang tingin ko rito at nakita kong suot-suot pa nito ang kanyang uniporme, maging ang tatlong lalaki ay napalingon kay ate na nasa kanilang likuran. Nakita kong binangga ni ate Fame ang tatlong lalaki na nakaharang sa daan habang patakbo na lumapit sa'kin.


Lumuhod si ate sa tabi ko at tinulungan akong makabangon, sumalampak naman ako sa sahig.


"Ate tulungan mo 'ko, pinagtutulungan nila akong tatlo," iyon ang mga katagang namutawi sa labi ko, kusang dumaloy ang mga salitang iyon sa bibig ko.


Umubo ako at bumulwak sa bibig ko ang dugo. Dahil do'n ay nakita ko ang galit na sumukob sa mukha ni ate Fame. Tumayo ito at hinarap ang tatlong lalaki. Isang nakakalukong ngiti naman ang sumilay sa aking labi.


Merong mali, merong mali sa'kin. Nasisiguro kong si Shino ang dahilan kung bakit ganito ang tinuturan ko.


Continue Chapter 8