YYU - Chapter 94: The Traitor!

 


*** TONIQUE'S POINT OF VIEW ***



Kasama ko ngayon sina Karrice at Grandeline at kasalukuyan kaming umaakyat ng hagdan patungo sa second floor ng mini-hospital ng Haven University para bisitahin sina Shero, Keith at Maru na sinugod dito sa ospital kagabi kasama sina Prop Arelan at ang tatlo pang mga bisita. Kagagaling lang naming tatlo sa grandstand at pinanood namin ang fifth game kung saan wala kaming players.



"Sayang at hindi nakasali sina Keith at Maru sa laban kanina, kung nandun sana sila malaki ang chansa na tayo ang nanguna sa ranking," sabi ni Karrice na nasa unahan ko, bakas sa boses niya ang panghihinayang.



"Oo nga sayang talaga, " pagsang-ayon naman ni Grandeline at binilisan nito ang mga hakbang para sabayan si Karrice.



Hindi ako tumugon sa kanila at nanatili akong tikom. Tama si Karrice sa kanyang sinabi, kung nakalaro sana sina Keith at Maru sa fifth game kanina ay siguradong kami ngayon ang nangunguna sa Q'match pero sa kasamaang palad ay bigo kami, pangatlo na lang kami ngayon sa ranking. Bukod sa puntos na nasayang ngayong araw ay nasayang din ang pagkakataon na hinihintay at inaabangan ko para makita ang laban sa pagitan nina Maru at Matchu na parehong nakaline-up ngayong araw. Kung nakalaro sana si Maru kanina ay siguradong matinding laban ang naganap sa pagitan nila ni Matchu dahil pareho silang nagtataglay ng malakas na kapangyarihan.



Kanina sa fifth game ay nanguna ang Lunar sa score na 200, pumangalawa ang Fortis sa score na 150 at pangatlo ang Haven sa score na 100. Ang Yin-Yang naman ay zero dahil nga parehong wala sina Keith at Maru na na nakaline-up sa laban. Sa current standing ng teams ay nangunguna pa rin ang Fortis na merong 555 points, pangalawa ang Lunar na merong 420 points, pangatlo kami na merong 361 points at panghuli naman ang  Haven na merong 315 points.



"Malaking puntos na ang lamang ng Fortis satin pero hindi ibig sabihin nun ay panalo na sila, kaya pa natin silang habulin." Wala sa loob na sabi ko. Nakita na namin ang kakayahan ng mga taga-Fortis at para sakin ay hindi sila malakas, sadyang may kaalaman lang talaga ang bawat isa sa kanila kung pano lalaruin ng mabuti ang laban kaya sila nangunguna. Magaling sila sa strategy at hindi sila padalos-dalos kung lumaban, iyon ang sa tingin ko ang lamang nila samin at pwera doon ay wala na. Kung pag-uusapan ang lakas ng kapangyarihan masasabi kong wala silang panama samin, kunting kaalaman lang sa strategy ang kelangan ng team namin at natitiyak kong kakain sila ng alikabok kapag nakaharap nila kami.



"Tama, think positive lang tayo," ani Karrice.



Tuluyan naming narating ang tuktok ng hagdan at pinagpatuloy namin ang paglakad. Tahimik kong binalingan ang suot kong relo, 11:56 am, four minutes na lang pala at mag-aalas dose na. Parang ang bilis yata ng takbo ng oras ngayon, mamaya lang at hapon na, pagkatapos gabi at kinabukasan ay biyernes na. Biyernes bukas, iyon ang huling araw at ang final game ng Q'match kung saan maglalaban ang lahat ng mga players para sa titulo ng pinakamalakas at pinakamagaling na manlalaro. Bukas rin ang huling pagkakataon sa bawat team para bumuwi at umani ng malaking puntos para tanghaling kampeon. Bukas ang highlight ng Q'match, ang araw na pinakakaabangan ng lahat ng mga manonood dahil iyon ang araw ng huling pagtutuos at paghuhusga, sa araw na iyon kikilalanin ang pinakamalakas na player at ang pinakamalakas na team.



Isang buntong hininga ang pinakawalan ko at biglang puminta sa isipan ko sina Shero, Keith at Maru. Isang malaking laban ang naghihintay bukas at malaking kawalan sa team kapag wala silang tatlo. Sana maayos na ang kalagayan nila ngayon.



Tumigil ako sa paglakad, "Karrice at Grandeline," tawag ko sa kanilang dalawa, huminto sila at lumingon sakin. "Mauna na kayo, dadaan lang ako ng cr," sabi ko.



"Okay," ani Karrice at nagpatuloy sila sa paglakad ni Grandeline.



Sandali naman akong hindi gumalaw sa kinatatayuan ko. Minabuti kong magpaiwan dahil kanina ko pa nararamdamang may sumusunod saming tatlo nina Karrice at Grandeline simula ng dumating kami dito sa ospital at alam ko kung sino ito, si Sanoo na may kapangyarihang invisibility.  Kahit hindi ko siya nakikita ay nararamdaman ko naman ang presensya niya, masyadong malakas ang pakiramdam ko para hindi ko siya mapansin. Hindi ko alam sa kanya kung ano ang kelangan niya at bumubuntot siya samin.



Napalunok ako ng laway ng maramdaman ko ang mainit niyang kamay na humawak sa kanang braso ko. "Anong masamang hangin ang nagtulak sayo para lapitan ako? At pwede ba huwag mo akong hawakan," mahina ngunit may diin kong sabi. Para akong tanga na nagsasalita sa hangin.



Hindi siya tumugon at nanatiling nakahawak sakin. Maya-maya'y naramdaman ko ang paghila niya sa braso ko, hindi ako nanlaban at nagpatangay ako sa kanya patungo sa malapit at bakanteng silid. Pagdating sa loob ay agad niyang sinarado ang pinto at pinakita niya sakin ang kanyang sarili.



"Anong kelangan mo sakin?" walang emosyon na tanong ko kay Sanoo na nakatayo malapit sa pinto. Blanko ang ekspresyon niya katulad sa pinapakita ng mukha ko. Tumalikod ako sa kanya at humarap sa bintana.



"Tonique Im sorry..." narinig kong sabi niya at narinig ko ang paghakbang ng kanyang mga paa palapit sakin.



"Sorry para san?" nagmamaang-maangan na tanong ko habang ang mga mata ko'y nakatutok sa labas ng bintana. Galit at inis ang eksaktong nararamdaman ko ngayon sa kanya, ang pagtatraidor niya sakin noon ay biglang naging sariwa sa aking isipan na para bang kahapon lang iyon nangyari. Dapat limot ko na ang alaalang iyon dahil matagal na iyong nangyari pero hindi, nakakulong at naririto pa rin ang alaalang iyon sa aking isipan at patuloy akong binabalik-balikan.



"Sorry dahil sa ginawa ko," aniya.



Humarap ako sa kanya, "Sorry dahil sa pagtatraidor mo sakin? Huwag kang magsorry, hindi mo kasalanan kung bakit ako naging tanga. Tanga ako naniwala sa isang sinungaling at manluluko na kagaya mo. Pero salamat, dahil dun natuto akong huwag masyadong magtiwala sa ibang tao," sabi ko at pilit kong pinakalma ang aking sarili.



"Wala sa plano ko ang traidorin ka," sabi niya.



Ngumiti ako ng mapakla, "Wala sa plano mo ang traidorin ako? Tang ina eh ano yung ginawa mo? Sanoo ginago mo ko at sinaksak ng patalikod. Bestfriend kita, nagtiwala ako sayo pero anong ginawa mo? Trinaidor mo ko! Alam mo ba na mula sa pagiging Crimson sa Yin-yang ay lumipat ako sa pagiging Grey dahil sa kahihiyan at ako ang sinisi ng ibang teammates ko noon kung bakit kami natalo? Tama naman sila, oo ako ang dahilan kung bakit kami natalo at yun ay dahil sa katangahan ko at pagiging traidor mo!" malakas na sumbat ko sa kanya. Hindi ko na napigilan ang inis na nararamdaman ko.



"Tonique please..." sambit niya.



Inignora ko ang kanyang sasabihin at nagpatuloy ako sa pagsasalita, "Gusto kong kalimutan at ibaon ang lahat sa limot pero hindi ko magawa. Alam mo kung bakit? Dahil hindi ko matanggap na niluko mo ko. Sumali ako ngayon sa Q'match nato dahil, una ay para tubusin at linisin ang pangalan ko na dinumihan mo sa mata ng mga kapwa ko Crimson at pangalawa ay para singilin ka sa ginawa mo sakin at si Xenon ang magbabayad nun," sabi ko at tinitigan ko siya ng masakit.



Bigla niya kong hinawakan ng mahigpit sa braso, "Huwag mong idamay ang kapatid ko!" sabi niya at nakita ko ang pamumula ng kanyang pesngi.



"We will see," sabi ko at hinila ko ang aking braso mula sa pagkakahawak niya pero ayaw niya itong bitiwan. "Bibitiwan mo ang braso ko o isang suntok ang tatama sa mukha mo, pumili ka?" mahinahon at naghahamon na sabi ko.



"Gawin mo ang gusto mo," walang emosyon na tugon niya habang nakatitig saking mga mata.



Dahil sa aking narinig ay hindi na ako nagdalawang isip pa at isang malakas na suntok ang pinakawalan ko sa kanyang mukha. Kanina ko pa gustong gawin iyon at mabuti na lang dahil siya na mismo ang gumawa ng dahilan para masuntok ko siya. Sa kabila ng ginawa ko ay nanatili pa ring nakahawak ang kanyang kamay sa braso ko. Nagtitigan kaming dalawa at nakita ko ang pagdaloy ng dugo sa gilid ng kanyang labi. Nagulat at natigilan naman ako sa sunod na nangyari, bigla niyang hinablot at hinila ang damit ko palapit sa kanya at sinalubong niya ako ng halik sa labi.


Continue Chapter 95