YYU - Chapter 109: Clever Plan

 


*** MATCHU'S POINT VIEW***

            Tahimik akong lumabas sa likod ng malaki at matayog na puno na kinukublian ko nang makita kong wala na si Shero. Hinakbang ko ang aking mga paa sa madamo at maputik na lupa patungo sa aking smoke clone na nakabulagta sa di kalayuan. Ilang saglit lang at tuluyan na akong nakalapit at natunghayan ko ang isa pang ako, ang aking smoke clone. 



            Noong nakaraang taon ko lang nadiskubre ang kakayahan kong ito, ang gumawa ng sarili kong doble, ang gumawa ng sarili kong clone. Ngayon ko lang ginamit at pinakita ang kakayahan kong ito dito sa final game kaya walang kaalam-alam si Shero na isang smoke clone ang kanyang tinalo at hindi ang totoong ako.



           Napabuntong hininga ako habang nakatingin sa sarili kong clone na unti-unting naging usok at tuluyang naglaho sa pagitan ng ulan at hangin. Mabuti na lamang at naisip ko itong gawin, gumawa ako ng smoke clone dahil hindi ako sigurado sa mangyayari kapag nakaharap ko si Shero. Kung nagkataon na sarili ko mismo ang humarap sa kanya ay siguradong tinalo niya ako ng walang kahirap-hirap. Hindi ko akalain na ganito kaseryuso si Shero ngayong final game, sa subrang seryuso niya ay parang wala siyang pakialam sa sasapitin ng kanyang mga kalaban.



            Binalingan ko si Akreanei na walang malay habang nakaupo at nakasandal sa malapad na katawan ng malaking puno. Bugbog sarado ang inabot niya kay Shero, nakakaawa ang lagay niya pero wala akong magagawa o maitutulong sa kanya. Bago pa magsimula ang final game kanina ay binalaan ko na siya na mag-ingat sa kangyang mga kinikilos, pinayuhan ko siya na huwag basta-basta at padalos-dalos sa pakikipaglaban lalo na sa mga taga Yinyang lalong-lalo na kay Shero dahil ramdam ko ang malakas nitong kapangyarihan, pero hindi siya nakinig sakin. Kasalukuyang wala siyang kapangyarihan dahil merong guardian na nagnakaw sa kapangyarihan niya pero kahit ganun ang nangyari ay nagmatapang pa rin siya na harapin si Shero. Sa tigas ng kanyang ulo ito ang kanyang napala,  nasa huli nga ang pagsisisi. Kahit kakampi ko siya ay hindi ko pwedeng i-tolerate ang panget niyang ugali. Mabuti at nakita niya ang kanyang hinahanap, siguro naman matatauhan na siya sa mga nangyari sa kanya ngayon.



            Iniwas ko ang aking paningin sa direksyon ni Akreanei at tumalikod. Hinakbang ko ang aking mga paa... 'Saan ako pupunta?' Naibulong ko sa aking sarili.



            Hindi ko pa nasasagot ang sarili kong tanong nang biglang may lumitaw na red portgate ilang dipa ang layo sa'kin. Saglit akong natigilan pero mabilis din akong nakabawi, hindi na ako nagdalawang isip pa at gamit ang bilis ko bilang bampira ay tumakbo ako at pumasok sa pulang portgate.



             Naglanding ang mga paa ko sa mga basang dahon na nakalatag sa lupa at sa di kalayuan agad kong nakita si Sirgel na parang masaya habang nakatayo sa harapan ni Karrice, pinapanood niya ito habang ito'y pinupuluputan ng kulay itim at maliliit na baging mula paa paakyat sa katawan nito. Sa taas naman ng malapit na puno ay nakita ko si Keith na nakasabit doon, pinupulupotan ito ng malalaking baging at walang malay.



             Naalarma ako sa aking nakita kaya mabilis akong nagkubli sa likod ng mayayabong na mga halaman sa aking tabi. Hindi magandang eksena ang aking nadatnan, ang elemental user na si Sirgel kalaban niya ang dalawang players ng Yinyang at halatang tinalo niya ang mga ito. Dalawang elemental user na ang nakita ko dito sa war zone at talaga namang malalakas sila.



            Sumilip ako sa mga halaman, mula rito sa pwesto ko ay nakita kong sinuntok ni Sirgel si Karrice sa mukha at sa tiyan dahilan para mapaluhod ito sa lupa, walang kalaban-laban si Karrice. Mukhang nanghihina ito, may kinalaman siguro ang maliliit at itim na baging na iyon sa kanyang katawan.



            Nakapagtataka namang isipin, ang alam ko hindi pa naaacquire ni Sirgel ang plant manipulation pero sa nakikita ng mga mata ko ngayon ay ito ang skill na ginamit niya para talunin sina keith at Karrice o hindi naman kaya, baka tulad ko ay matagal niya na itong naacquire at ngayon niya lang ginamit at pinakita dito sa Q'match? Pero di bale na, hindi ko na muna iisipin ang bagay na 'yan, pasasaan ba't masasagot rin itong katanungan ko. Sa ngayon kelangan ko lang magkubli dito para sa isang plano na namumuo sa utak ko.





*** LEE'S POINT OF VIEW*** 

            Ayon sa  impormasyon na natanggap ko mula sa isa sa mga bumuo at nagplano sa mga laban ngayong Q'match, para lumabas ang mob (monster/orc/beast) na nagtataglay ng black portgate ay kelangan naming mga players na talunin ang dalawa naming kapwa players, kakampi man o mula sa kalabang school. Sa lagay, dahil 36 players kaming lahat dito sa war zone, ang majority ay tatlong players ang maglalaban para sa isang black portgate. 



            Isang player na ang tinalo ko, sa madaling salita isang player na lang ang kelangan kong talunin para lumabas ang mob na magbubukas ng black portgate.



            Kalaban ko ngayon si Travis mula sa Yinyang, kapag natalo ko siya ibig sabihin dalawa na ang panalo ko, kung magkataon naman na matalo niya ako ay automatic na dalawa agad ang kanyang panalo dahil meron na akong isang player na tinalo kanina, bale mapupunta sa kanya ang puntos kong iyon.



            Sa nakikita ko batay sa ekspresyon ni Travis ay galit ito. Iniisip niya siguro na ako ang may kagagawan kung bakit walang malay ang dalawang players na sina Reevien mula sa Fortis at si Barty na mula naman sa Haven. Ang totoo'y wala akong kinalaman sa mga nangyari sa mga ito, wala sa kanila ang nakalaban ko kanina. Ang unang nakaharap at tinalo ko dito sa war zone ay si Dinally ng Haven. Natalo ko ito ng hindi ko ginagamitan ng meteor strike, ang tanging ginamit ko lang para talunin ito ay ang aking bilis at lakas na karaniwang abilidad naming mga bampira.



            Nang dumating ako sa lugar na ito kanina ay saktong nasaksihan ko na magkasamang nilalabanan nina Reevien at Barty ang mga mobs na kilala sa tawag na bloody bug. Kaya tinawag na bloody bug ay dahil nagfefeed ito sa dugo ng tao at hayop, may hawig ang itsura nito sa ladybug ngunit kulay pula ang buo nitong anyo at kasing laki ito ng kalapati. Mabilis at maliksi itong kumilos, meron itong mahaba at matulis na proboscis na ginagamit pansipsip ng dugo katulad sa lamok. Kapag naturok ka ng proboscis nito ay mapaparalyze ang buo mong katawan ng ilang oras, nagre-range iyon ng isa hanggang tatlong oras. Ang fluid na nererelease ng bloody bug sa kanyang proboscis ay nagsisilbing anesthesia para hindi makaramdam ang host na kanyang sinisipsipan ng dugo. Ang fluid na iyon ay nagdudulot rin ng short paralysis o temporary paralysis.



            Ang paligid kung saan ako nakatayo ay magulo at hindi ito maganda sa paningin, makikita dito ang mga natumba at nasunog na mga halaman at puno, ito ang resulta sa paggamit ko ng aking kapangyarihan, pero mabuti na lamang at patuloy ang pag-ulan at dahil dito'y hindi kumalat ang apoy.



            Iniisip siguro ni Travis na nilabanan ko sina Reevien at Barty dahil sa bakas ng sunog sa kapaligiran. Hindi niya alam na ginamit ko ang aking kapangyarihan para tulungan ang dalawa na puksain ang mga bloody bugs, nagkataon lang na masyadong marami ang mga iyon at nakagat ang mga ito kaya sila naparalyze. 



            Hindi ko tuloy maiwasang isipin, 'ang mga tao talaga mabilis kung humusga, may sarili agad silang opinyon samantalang hindi pa nila alam ang buo at totoong estorya'.



            Tinutok ko ang aking mga mata kay Travis na naroon nakatayo sa tabi ng malaking puno. Kanina ko pa siya inaatake ng meteor pero mabilis at bihasa siya sa pagteleport kaya hindi ko siya matamaan. Well, wala naman talaga akong planong tamaan siya dahil siguradong masama ang aabutin niya kapag nagkataon. Sa ngayon inoobserbahan ko lang ang mga galaw niya, kumukuha lang ako ng tiyempo para isakatuparan ang aking final blow.


Continue Chapter 110