YYU - Chapter 114: Us!

 


*** SHERO'S POINT OF VIEW ***



Madilim ang paligid.



Sa kaliwa at kanan... sa likuran at taas... ang mga bahaging iyon ay pinaghaharian ng kadiliman. Itim, purong itim, iyon ang nakikita ng mga mata ko.



Sa aking harapan lang ang maliwanag dahil sa malalaking sulo na nakaraya mula sa baba hanggang doon sa tuktok sa magkabilang gilid nitong malapad at mataas na double door sa harap ko. Itong pinto na nasa harapan ko na yata ang pinakamalaking pinto na nakita ko sa buong buhay ko. Sa tantya ko ay nasa 50 metro ang taas nito at nasa 30 metro naman ang lapad, yari ito sa purong kahoy at nag-aagaw sa dark brown at itim ang kulay. Luma na at nakabakas rito ang malalaking bitak na nagkalat sa kabuuan nitong parte, bagama't luma na ay masasabi kong maganda pa rin ito. Nakaukit dito ang abstract na desinyo na agaw pansin sa paningin ng sino mang makakakita.



Humakbang ako palapit sa pinto at tumigil ako mismo sa tapat nito. Saglit akong natigilan at sa pagkakataong ito ko lang napansin ang suot kong damit, nakasuot ako ng royal dress na kombinasyon ng kulay asul, puti at ginto. Nakadamit prinsipe ako, ang klase ng kasuotang ito ay hindi ko gusto dahil nangangahulugan ito ng mabigat na responsibilidad at kalunkutan, kalunkutan dahil lahat ng desisyon at kilos ng isang prinsipe ay dapat naaayon sa utos at batas ng palasyo. Isang araw magiging crown prince ako at kapag dumating ang araw na iyon ay magiging alipin ako ng sarili kong palasyo, magiging isang alipin ako na may gintong korona sa ulo.



Huminga ako nang malalim at iwinaksi ko ang mga alalahaning iyon. Hindi ko dapat isipin ang mga bagay na 'yon dahil walang magandang maidudulot iyon sa'kin. Sa ngayon ang dapat kung pagtuunan ng pansin ay itong nangyayari sa'kin. Paano ako napunta sa lugar na ito? Ano ang meron dito at bakit ako naririto?



Panaginip. Tama, isa itong panaginip pero... bakit parang totoo itong mga nangyayari? Kung panaginip man ito ay ayuko munang magising, gusto kong makita ang nasa likod ng pintong ito.



Tiningala ko ang matayog na pinto. Sa subrang laki nito ay siguradong mahihirapan akong buksan ito, natitiyak kong mabigat itong itulak. Mukhang walang pag-asa na mabuksan ko ito.



Inangat ko ang aking kanang kamay at nilapat ko ang aking palad sa pinto. Agad kong naramdaman ang kalamigan niyon, naramradaman ko rin ang mga pinong alikabok na nakakapit dito. Bahagya kong tinulak ito para subukin kung gaano kabigat ito at sa surpresa ko ay bumukas ito nang dahan-dahan, bumukas ito at kabaligtaran iyon sa ideyang naisip ko kanina. Naramdaman ko pang yumanig ang lumang concretong sahig na tinatayuan ko dahil sa pagbukas niyon.



Nang tuluyang bumukas ang pinto ay hindi na ako nagdalawang isip pa at agad ko nang hinakbang ang mga paa ko papasok. Nang makapasok na ako ay huminto muna ako saglit at sinipat ko ang lugar. Nababalot ng kadiliman ang paligid, ang malinaw lang sa aking paningin ay ang mahaba at makipot na tulay sa aking harapan na inilawan ng nakarayang sulo sa magkabilang gilid na hawak ng malalaking rebultong kamay.



Kumilos ako at naglakad. Hinakbang ko ang aking mga paa sa mahabang tulay. Sa subrang haba nito ay hindi ko matanaw ang pinakadulo nito. Makitid din ito, nasa isang dipa lang ang lapad. Ang taas naman nito ay hindi ko matukoy pero sapat nang sabihin na napakataas dahil purong kadiliman na sa ibaba ang nakikita ko, parang dagat iyon ng walang hanggang kadiliman. Isang maling hakbang ko lang sa tulay na ito at siguradong mahuhulog at lalamunin ako ng kadiliman na iyon. Kung hindi ko pa naisip na mahuhulog ako ay hindi ko pa mapapansin ang malalaking bitak ng tulay, bigla tuloy akong kinabahan na baka ano mang sandali ay gumuho ito at mahulog ako.



Kinabahan ako sa mga ideyang pumasok sa aking isip, naramdaman kong biglang bumilis ang tibok ng aking puso sa aking dibdib. Nagpakawala ako ng isang buntong hininga, hindi ako dapat pagharian ng takot na ako rin mismo ang gumawa. Unti-unti ay pinakalma ko ang aking sarili at pinokus ko ang aking atensyon sa paglalakad. Nagpatuloy ako sa paghakbang hanggang sa tuluyan ko nang matanaw ang pinakadulo ng tulay. Nakadama ako ng ginhawa nang makita ko ang tanawin na iyon. Hindi nagtagal at narating ko rin ito.



Isang luma, bitak-bitak at kulay brown na pinto na yari sa kahoy at may katamtamang laki ang nadatnan ko, naka pwesto ito sa malapad at kulay abo na pader. Ang pintong ito ay muling nagdulot sa akin ng kaba. Kinakabahan ako dahil hindi ko alam kung ano ang nakatago at naghihintay sa kabilang bahagi nito. Kinakabahan ako dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa'kin kapag pumasok ako dito.



Tinulak ko nang bahagya ang pinto at kusa na itong bumukas. Agad na sinalubong ang mga mata ko ng makapal at puting usok na naroon sa loob. Tanging usok lang ang nakikita ko.



Bakit may usok? Unang katanungan na pumasok sa isip ko at nasundan pa iyon ng marami pang katanungan. Dala ng pagtataka ay hinakbang ko ang aking mga paa papasok. Nang makapasok na'ko ay napahinto ako sa aking kinatatayuan dahil biglang naglaho ang makapal na usok at pati na rin ang kulay abong pader at ang pintong pinasukan ko.



Ang sahig ay nabalot ng manipis na tubig na animo'y salamin, nakita ko rito ang aking repleksyon at pati na rin ang mga malilit na sulo na nagkalat at nakalutang sa hangin at nagbigay liwanag sa paligid.



Sa aking harapan ay tumambad ang isang lalaki na nakayuko at naka hubo't hubad. Nakataas at nakagapos sa malalaking bakal na kadena ang magkabila nitong mga kamay at sa ibaba nakakadena rin ang kanyang mga paa.



Bigla akong nakaramdam ng awa para dito. Hinakbang ko ang aking mga paa para lapitan at tulungan ito ngunit napatigil ako. Nag-angat ito ng ulo at nakita ko ang kanyang mukha. Magkamukha kaming dalawa at ang tanging napansin ko lang na magkaiba sa'min ay malaya ako at nakasuot ng magarang damit samantalang siya naman ay naka hubo't hubad at nakakadena.



"Shino?" binasag ko ang katahimikan ng paligid. Mahina ang boses ko pero sapat na iyon para marinig niya dahil ilang dipa lang ang layo ko sa kanya. Siya si Shino, hindi ako pwedeng magkamali doon. Siya ang isa kong katauhan.



"Shero salamat at dumating ka, parang awa mo na tulungan mo 'ko. Hirap na hirap na ako dito," kumawala ang mahina at matamlay na boses ni Shino, puno nang kalunkutan ang kanyang mukha.



"Oo, tutulungan kita... pero paano?" dahil sa pagkahabag kung kaya hindi na ako nagdalawang isip na iyon ang itugon ko sa kanya.



"Gamitin mo ang susi sa bulsa mo," tugon nito.



Kinapa ko ang magkabila kong bulsa at sa aking kaliwa ay naramdaman ko roon ang maliit at matigas na bagay, ang susi. Mabilis ko itong dinukot at sinipat ko ito sa aking kaliwang palad. Ang kulay ng susi ay itim, sa puntong ito ay may bigla akong naalala. Itim ang kulay ng susi, hindi kaya itim ito para paalalahanan ako sa masama ang ugali ni Shino? 



Tinignan ko si Shino at nagsalubong ang aming paningin.



"Hawak mo na ang susi Shero. Tulungan mo na'ko," nakikiusap na sabi nito.



Kinuyom ko ang aking palad para ikubli ang itim na susi, "Hindi, hindi kita tutulungan. Naalala ko ang mga sinabi mo sa'kin. Sinabi mong ikaw ang masamang ako. Masama ka kaya bakit kita tutulungan? Ang mga kadenang iyan ay nararapat lang sa'yo," madiin na sabi ko.



Nakita kong biglang nagkaroon ng damit si Shino at katulad ito sa kasuotan ko ngayon, nakita ko ring biglang umiba ang ekspresyon ng mukha nito, mula sa maamo at nagmamakaawang mukha ay bigla itong naging seryuso.



"Tulad nga ng inaasahan ko, hindi mo nga ako tutulungan, wala kang isang salita!" ngumisi ito, "Sige lang Shero, magpakasaya ka sa kalayaan na meron ka ngayon dahil hindi magtatagal at makakalaya rin ako at ako mismo ang magkukulong sa'yo sa lugar na masmalala pa kay sa dito!"



"Hindi mangyayari 'yan!" sigaw ko sa kanya.



Tumawa si Shino nang nakakaluko at tinitigan ako nang matalim, "Talaga ba? Ang malaking pinto, ang mahabang tulay at itong letseng kadena na nakagapos sa'kin ay puno na ng mga bitak, ibig sabihin marupok na ang mga ito... marupok at malapit nang mawasak Shero. Itong mga kadena sa mga kamay at paa ko, tignan mong maigi ang mga bitak nila. Mababasag ang mga ito at makakalaya ako sa ayaw at gusto mo!" litanya nito at saka tumawa.



Pinagmasdan ko ang mga bakal na kadena sa mga kamay at paa ni Shino. Tama siya, puno na iyon ng mga bitak at sa tingin ko marupok na ang mga iyon at malapit nang bumigay. Kapag nabasag ang mga iyon ay makakalaya siya at ako naman ang ikukulong niya. May posibilidad na mangyari ang mga banta niya dahil minsan niya nang ginawa iyon sa'kin. Ang hindi ko lang alam ay kung paano ako nakawala sa kulungang iyon at napunta rito.



"Ano Shero? Bakit hindi ka makaimik ngayon?" ani Shino at ngumisi, "Huwag kang mag-alala walang may makakapansin na wala ka na, walang may magluluksa sa pagkawala mo dahil sisiguraduhin kong hindi nila malalaman na pinalitan na kita."



"Hindi mangyayari 'yang sinasabi mo!" matigas na pagtanggi ko kay Shino kahit na ang totoo'y unti-unti na akong nalulunod sa mga salitang binibitawan niya.



"Mangyayari ang mangyayari Shero, hintayin na lang natin ang oras na iyon," saglit na tumigil sa pagsasalita si Shino at parang nag-isip, nakita kong kumunot ang noo nito habang nakatingin sa kanyang repleksyon sa manipis na tubig sa sahig at saka nagsalita nang mahina na parang kinakausap ang kanyang sarili, "Oras na makawala ako sa lugar na 'to, hahanapin ko ang nagkulong sa'kin dito. Sisiguraduhin kong buhay niya ang magiging kapalit sa ginawa niya sa'kin. Binura niya ang alaala ko at ni Shero para hindi ko malaman kung sino siya, pero doon siya nagkakamali dahil oras na makawala ako sa kulungang ito nang tuluyan ay siguradong babalik at babalik ang mga alaalang iyon. Tatapusin ko ang buhay niya kahit sino man siya!"



Tahimik lang ako habang nakikinig sa mga inuusal ni Shino, meron siyang masamang binabalak oras na makawala siya. Gusto niyang patayin ang kumulong sa kanya. Meron pa siyang binanggit tunkol sa mga buradong alaala namin, ngayon ko lang naisip ano nga ba ang pinagmulan nito? Paano ako nagkaroon ng pangalawang katauhan at sino nga ba ang nagkulong dito kay Shino? Wala akong alaala kay Shino, kung isang katauhan ko siya ibig sabihin ako ang may gawa sa kanya pero bakit hindi ko maalala iyon? Sino ang nagbura sa alaala ko? Sino ang taong responsabli sa lahat ng ito?



"Shero oras na para bumalik ka sa katawan mo."



May nagsalita sa likod ko at ang boses na iyon ay pamilyar, mabilis akong lumingon at gano'n na lang ang pagkabigla ko nang makita ko ang mukha nito.



"Sino ka?" hindi makapaniwalang tanong ko sa isa pang ako. Katulad ni Shino, kamukha ko rin ito at pati na sa kasuotan. Hindi lang si Shino ang katauhan ko, meron pang isa.


Continue Chapter 115