YYU - Chapter 66: The Second Game

 *** TRISTAN'S POINT OF VIEW ***




Lumipas ang gabi na parang kay bilis at ngayon ay lunes na at saktong alas otso ng umaga. Ito ang araw na nakatakda para sakin at kay Travis para lumaban sa Q'match. Ngayong lunes hanggang huwebes dalawa sa mga representatives ng bawat school ang magpapares para lumaban at sa biyernes naman ang final match kung saan maglalaban ang lahat ng representatives bilang team.



Kasalukuyan akong nakatayo sa bukana ng nakabukas na pintuan ng silid nina Lilyu. Mula dito ay nakikita ko ang  himbing na natutulog na si Shero. Bigo ako sa pag-aakalang magigising siya ngayon, akala ko pa naman makakasama ko siya para ihatid ako sa lugar ng match namin pero hindi pala. Nag-aalala na ako sa kalagayan niya, sana magising na siya.



"Tristan bukas na ang portgate, kelangan na nating umalis. Naghihintay na sina Prop. Goldfield sa baba."



Napatigil ako sa pag-iisip ng marinig ko si Travis sa aking likuran. Hindi ako tumugon sa kanya at binaling ko ang aking paningin kay Maru na nakatayo sa tabi ng bintana. Nagkatitigan kaming dalawa, marahil nabasa nito sa aking mukha ang gusto kong sabihin na bantayan si Shero kaya isang tango ang ibinigay  niya sakin.



Napabaling naman ako kay Lilyu na nakaupo sa kanyang kama at nagbabasa. Sinarado nito ang hawak na aklat at tumingin sa direksyon ko.



"Kami na ang bahala kay Shero. Galingan niyo sa laban." Aniya.



Tumango ako sa kanya. "Gagalingan namin, salamat." Tugon ko at binalik ko ang aking paningin sa natutulog na si Shero. Para sa kanya ang laban kong ito, gagalingan ko at susubukan kong ipanalo ang laban para sa kanya. Gusto ko paggising niya isang magandang balita ang kanyang marinig at iyon ay mangyayari lang kapag naipanalo namin ni Travis ang laban namin.



Naramdaman ko ang isang kamay ni Travis sa balikat ko at gamit ang kapangyarihan niyang teleportation ay sa isang iglap lang ay napunta  kami sa sala sa ibaba ng visitor's house. Nadatnan namin si Prop. Goldfield at Prop. Arelan sa tabi ng kulay asul na portgate.



"Pumasok na kayo at naghihintay na sila sa atin sa kabila." Agad na sabi ni prop. Goldfield. Nakasuot ito ng kulay crimson na formal suit na terno sa kulay ng combat costume na suot namin ni Travis.



Hindi na kami nagsalita ni Travis at nauna na itong pumasok kasunod ako. Napadpad kami sa lugar na maraming puno, sigurado akong nasa kabilang bahagi ito ng isla kung saan nakatayo ang Haven University. Agad kong tinignan ang aking relo na nasa loob ng bulsa ng suot kong fitted pants. 8:30am ibig sabihin ay 30 minutes ang nagamit naming oras sa pagpasok sa portgate para makarating sa lugar na ito.



Lumapit samin ni Travis ang mga kasama naming sina Tonique, Grandeline, Karrice at keith na nauna ng dumating. Ilang dipa naman ang layo samin ay sina Prop. Gumban at Prop. Blare na nag-uusap. Ilang saglit lang at dumating din sina Prop. Goldfield at Prop. Arelan.



Iginiya kami ng dalawang propesora ng Haven University patungo sa lugar ng Q'match. Walang may umiimik sa aming lahat habang naglalakad. Tanging maririnig lang ang mga mahihina naming yabag, huni ng mga ibon sa paligid at mga dahon at sanga ng mga puno na hinihipan ng hangin.



Habang naglalakad ay napaangat ako ng ulo.  Kagabi malakas ang ulan at tumigil lang ito sa pagbuhos mga bandang alas sais ng umaga kanina. Sa nakikita ko ngayon sa madilim na kalangitan mukhang uulan na naman ng malakas mamaya.



Ilang sandali ng paglalakad at...



"Malapit na tayo." 



Napabaling ang paningin ko kay Prop. Blare na siyang nagsalita. Malapit na daw kami pero wala naman akong nakikitang gusali o stadium na maaaring paglabanan. Palingun-lingon ako sa paligid, mga punong kahoy lang at mga halaman ang nakikita ko.



Mga dalawam pong metro pa ang nilakad namin at huminto na kami.



"Nandito na tayo." Sabi ni Prop. Blare.



Nagkatinginan kami ng mga kasama ko. May pagtatanong sa aming mga mukha dahil wala naman kaming nakikitang coliseum o stadium. Ang nasa paligid na nakikita lang namin ay mga naglalakihang mga puno at mga malalagong halaman.



Napatingin kami kay Prop. Arelan ng tinaas nito ang hawak na staff at tinutok sa kanyang harapan. "Odprite vrata." Sambit nito.



Pagkatapos sambitin ang salitang iyon ay lumitaw ang isang malaking 2 sided na pintuan sa aming harapan at bumakas ito. Mula sa nakabukas na pintuan ay narinig namin ang ingay na nanggagaling sa dulo ng mahabang hallway. Ingay iyon ng mga taong nagaabang sa Q'match ngayong araw.



"Surprise?" Nakangiting sabi ni Prop.Arelan saming anim na representatives. Tumango kami na may pagkamangha saming mga mukha.



"Kaya gustong-gusto ko ang mga witch at warlock, hindi sila nauubusan ng mga tricks at surpresa." Nakangiting sabi ni Prop. Gumban.



"It's obvious, kaya ka nga nag-asawa ng kalahi namin eh." sabi naman ni Prop. Blare at nagtawanan sila.



"Oh tara na, pumasok na kayo." Anyaya ni Prop. Arelan.



Nagpatiunang pumasok si Prop.Blare at Prop. Gumban, sumunod kaming mga representatives at sina Prop.Goldfield at Prop.Arelan naman ang huli.



Pagpasok namin ay doon ko lang nakitang merong dalawang security officer na nakatayo sa loob ng magkabilang gilid ng pintuan. Mga warlock marahil ang mga ito dahil sa staff na merong bato na kulay berde sa dulo ang kanilang hawak-hawak. Hindi sila gumagalaw, nakatayo lang sila at nakatingin ng  deretso. Nakasuot sila ng ternong kulay asul na overall na uniporme.



Naglakad kami sa hallway at mga walong metro ang layo mula sa pinasukan naming pintuan ay meron na namang dalawang security officer na nakatayo sa magkabilang dingding, pagkalagpas namin mga walong metro ulit ang layo ay meron na namang nakatayong dalawang security officer na nagbabantay. Mukhang sinisigurado ng incharge sa Q'match ang kaligtasan ng bawat tao na pupunta para dito sa event.



Naglakad pa kami ng mga sampung metro at tuluyan naming naabot ang dulo ng hallway kung saan meron ding dalawang security officer na nagbabantay sa magkabilang gilid ng nakabukas na pintuan na sinlaki rin ng pintong pinasukan namin kanina.



Lumabas kami sa pinto at lalong lumakas ang ingay na naririnig namin. Bumungad sa aming harapan ang malapad na open plaza na merong kulay krema na sahig na sa tingin ko ay yari sa marble. Sa sentrong tapat naman nitong nilabasan naming pinto, mga 50 meters ang layo mula dito ay makikita naman ang stage na kasing laki rin yata ng stage ng Haven coliseum kung saan kami pinakilala nung sabado. Sa magkabilang gilid ng stage ay merong tigpipito  at malalaking white screen at kasalukuyang pinapalabas doon ang iba't ibang parte ng lugar na sa tingin ko ay ang paglalabanan namin mamaya. Masukal na kagubatan at mukhang abandoned village ang ipinapakita sa mga malalapad na screen dahil sa mga sira at mga lumang bahay. 



Kung hindi naman ako nagkakamali ay nasa taas kami ng patag na bundok ngayon at nasa likod ng stage na 'yan ang pampang at sa baba narun ang kagubatan at abandoned village na pinapakita sa mga screen na paglalabanan para sa Q'match.



Binaling ko ang aking paningin sa aking likuran at nakita ko ang mataas at mahabang grandstand na puno ng mga hidden.



Ang galing ng lugar na ito, subra akong humahanga. Ang galing talaga ng nagagawa ng mahika. Akalain mo yun ang lugar na ito ay nakatago dahil sa isang spell at hindi ka makakapasok dito kung hindi sa isang witch at warlock na alam ang spell para buksan ang pinto na papasok dito.



"Tristan... Tristan?"

Napalingon ako kay Prop. Goldfield  na syang tumawag sakin, katabi nito si Travis.



"Bakit?" Wala sa loob na tanong ko.



"Mukhang wala ka sarili, ok ka lang ba?" Tanong nito.



Isang tango ang tinugon ko at binaling ko ang aking paningin sa entablado at nakita ko ang paglitaw ng kulay asul na portgate doon. Lumabas mula roon ang labing limang opisyal ng Q'match, ang kilala ko lang sa kanila ay ang head order na si Prop. Repe na siyang head mistress ng Haven University. Ang iba ay hindi ko na mga kilala dahil hindi naman inintroduce ang mga ito samin, nananatiling palaisipan para sakin kung sinu-sino sila lalo pa at ngayon lang ako nainvolve sa hidden society.



Lumabas rin sa portgate si Crasnelia na referee sa laban nina Shero at Sirgel at ang huling lumabas ay ang host na si Juvy Arten na siyang naghost nung sabado.



Naglaho sa stage ang portgate at umupo sa kanya-kanyang mga silya ang labin limang opisyal. Katulad nung sabado nasa pinakagitna ang head order na nakasuot ng kulay pulang formal dress. Pumwesto naman sa tabi sa kanang bahagi ng stage ang dalawa na sina Crasnelia at Juvy na merong mga hawak na mic at nakasuot ng semi-formal na kasuotan na ang kombinasyon ng kulay ay puti at asul.



"Good morning hidden society. Welcome to the 39th Quadrangular Match!!" Isang malakas na sigaw bilang panimulang bati mula kina Crasnelia at Juvy.



"Wooooohhhh!!!" Isang malakas na sigawan, hiyawan at palakpakan naman ang tinugon ng mga manonood.



"Ngayong araw matutunghayan natin ang pangalawang laban ng Q'match sa pagitan ng apat na eskwelahan. Excited na ba ang lahat?" Malakas na bigkas ni Crasnelia, umalingawngaw ang boses nito sa buong paligid dahil sa mga speaker na nakapwesto sa iba't-ibang bahagi ng grandstand. "Excited na tayong lahat pero bago natin saksihan ang pinakakaabangan nating laban magsitayo muna tayong lahat para sa invocation at hidden hymn.



Nagsitayuan ang lahat at tumunog ang recorded voice ng isang lalaki na kumakanta ng Our Father. Pagkatapos ng invocation ay tumunog naman ang hidden hymn na sinabayan ng kanta ng mga manonood. Pagkatapos ng hidden hymn ay umupo na ang lahat.



"Nung nakaraang sabado ng gabi nasaksihan natin ang laban sa pagitan ng dalawang elemental user na sina Shero at Sirgel mula sa Yin-Yang at Fortis University. Sa hindi inaasahang pangyayari nawalan ng malay si Shero na sinundan rin ni Sirgel." Pagsisimulang salaysay ni Juvy at biglang may lumabas na video sa mga nakahilirang screen sa magkabilang tabi ng stage.



Mula sa kinatatayuan ko ay nakita ko sa mga screen ang huling eksena sa paglalaban nina Shero at Sirgel kung saan sinasakal ni Shero si Sirgel. Tumigil si Shero sa pagsakal kay Sirgel  at bigla itong nawalan ng malay. Dumapa naman si Sirgel sa sahig at dahan-dahang bumangon pero hindi pa man ito tuluyang nakatayo ng bigla rin itong bumagsak sa sahig. Pareho silang nawalan ng malay tao.



Nagpatuloy sa pagsasalita si Juvy. "Dahil sa mga nangyari nagpasya ang board of officers ng Q'match na draw ang laban ng dalawa, subalit ang bawat isa sa kanila ay pagkakalooban ng tigtu-twenty points. Sa round one  sa pagitan ng laban nina Shero at Sirgel, nanalo si Shero at dahil dun bibigyan siya ng 20 points. Sa round two naman nagawang makapuntos ni Sirgel na hindi naman nagawa ni Shero at dahil dun nagpasya ang board na sa round two ang panalo ay si Sirgel at bibigyan siya 20 points. So ibig sabihin ang present standing ng bawat school ay... First in line, we have Fortis and Yin-Yang University na merong  tigtu-twenty points at next in line naman ang Haven at ang Lunar na wala pang puntos."



"So iyan na nga narinig niyo na ang result ng first game, currently meron ng 20 points ang Fortis at ang Yin-Yang samantalang zero point naman sa Lunar at Haven University. Lamang na ang Fortis at Yin-Yang ng 20 points pero oppppsssss!!! Hindi pa huli ang lahat, nagsisimula palang ang laban, pwede pa silang mahabol dahil meron pang limang laban ang naghihintay. May malaking chansa pa ang ibang school para baligtarin ang standing ng Q'match kapag pinanalo nila ang mga susunod na laban." Sabi naman ni Crasnelia.



Pumalakpak ang mga manonood at pati na rin kami ng mga kasamahan ko dahil sa anunsyo na aming narinig. Ngayon lang kasi pinaalam ang resulta ng laban nina Shero at Sirgel. Natutuwa ako na patas at walang lamangan o pabor na binigay ang mga board sa laban ng dalawa.



Napalingon ako sa mga kasamahan ko at nakita ko silang nakangiti, napangiti rin ako. Hindi kami binigo ni Shero, siya ang unang nagbigay ng puntos para sa aming team. Hindi napunta sa wala ang sakit at hirap na tinamo niya sa loob ng battle ring. Nakakaproud, siguro kung nandito si Shero sa tabi ko baka mahahalikan ko siya sa labi pagkatapos ng anunsyong iyon.



Napabaling ang paningin ko sa stage ng muling magsalita si Crasnelia. "At ngayon araw para sa pangalawang laban ng Quadrangular match, para opisyal na buksan ito, gusto naming tawagin ang head order, ang head mistress ng Haven University, Professor Repe."



Nagpalakpakan ang mga manonood at tumayo ang matandang head order  at pumunta sa gitna ng entablado . Tumahimik ang paligid.



"Good morning hidden society." Bati ng head order, lumabas ang boses niya sa mga speaker kahit wala naman siyang hawak na mic. Isang mahika ang ginagamit niya malamang. "Hear me say... Let the second game for the quadrangular match begin." Proklama nito at nagsigawan at palakpakan ang mga manonood.



Nagpatuloy sa pagsasalita ang head order. "To begin with, let me call on our 8 representatives that will play and battle for this game. Please come up on the stage as i mention your name. From Lunar University Razchi Antonio and Jercean Lavega. From Fortis University may i call on Kazeni Ezalerio and Kenver Cruz. From Haven University Arwin Davis and Collin Corsova and from Yin-Yang University, Travis Larpen and Tristan Armando Razon."



Mula sa kinatatayuan ko ay napalingon ako sa mga representatives na tinawag ng head order na lumabas sa mga pinto ng mga hallway na kahilera at ilang metro ang layo sa pintong kinaroroonan namin. Magkapares ang mga ito at tulad namin ni Travis ay nakasuot ang mga ito ng kanilang official combat costume. Naglalakad ang mga ito patungo sa stage.



"Good luck guys." Narinig kong sabi ni Karrice na nasa likuran ko.



"Galingan niyo." Bilin naman ni Grandeline.



"Huwag kayong papatalo, kaya niyo yan."  Sabi naman ni Tonique at tinulak kami sa likod ni Travis ng bahagya.



"Gagalingan namin." Sabi ni Travis.



Hindi na ako nagsalita at nagpatiuna na akong lumakad patungo sa direksyon ng stage. Dama ko sa aking dibdib ang kunting kaba, oo may kunting kaba akong nararamdaman pero hindi takot ang dahilan nito. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko at lumitaw sa aking isipan ang mukha ni Shero. Hindi mo kami binigo Shero, asahan mong gagalingan ko ang laban ko para sayo.


Continue Chapter 67