YYU - Chapter 6: Morning Rain
Sinulyapan nila akong lima at nagtama ang mga paningin namin pero nilagpasan lang nila ako. Napabuntong hininga ako. Akala ko mamumukhaan nila ako pero mabuti na lang at hindi. Nagpatuloy ako sa paglakad hanggang sa makalabas ako ng gate at dumiretso ako sa malapit na bench ng waiting shed at dito umupo, walang ibang tao dito kundi ako lang. Magpapahinga muna ako saglit dahil pakiramdam ko biglang nanghina ang mga tuhod ko dahil sa limang crimson na 'yon, subra akong kinabahan sa kanila. Mukhang magkakasakit yata ako sa puso dahil sa mga crimson na 'to.
Humugot ako nang malalim na hininga para pakalmahin ang sarili ko at biglang pumasok sa isip ko ang matankad na lalaki sa limang crimson na nakasalubong ko. Hindi ko alam kung namalikmata lang ako kanina dahil sa kaba o ano pero parang nakita ko siyang ngumiti sa 'kin. May kutob akong nakilala niya ako pero... kung totoo nga ang kutob ko bakit inignora niya ako? Nararamdaman kong merong kakaiba sa lalaking 'yon at sa mga kasama niya pero hindi ko alam kung ano 'yon.
"Hey! Mukhang 'sing lalim ng Atlantic Ocean 'yang iniisip mo ah?!"
Napaangat ako ng ulo sa aking harapan at nakita ko si Fildon na nakatunghay sa 'kin at nakangiti. Hindi ko napansin ang paglapit niya dahil sa mga iniisip ko. "Ha? Ano 'yong sabi mo?" nakakunot noo'ng tanong ko. Hindi malinaw 'yong narinig ko mula sa kanya. Ang narinig ko lang ay Atlantic Ocean. "Anong atlantic ocean?" tanong ko.
Umiling siya at lalong lumuwang ang ngiti sa kanyang mukha. "Sabi ko ang lalim ng iniisip mo, 'sing lalim ng Atlantic Ocean. Hmmm... mukhang tama nga ako. Sino ba 'yang iniisip mo? Si Tristan ba?" aniya.
Mabilis akong umiling. "Tristan? Hindi ah! Bakit ko naman aaksayahin ang oras ko sa pag-iisip sa baliw na 'yon?" tanggi ko at saka umismid. Bigla tuloy puminta sa isip ko ang mukha ni Tristan. Hay nakakainis naisip ko na naman ang itsura ng blackmailer na 'yon.
"Ah ok! Sorry naman, akala ko kasi mag-bf kayo," sabi niya at tumabi sa 'kin sa bench. Ang haba ng bench at maluwag ang space kaya nakapagtataka bakit kelangan niyang dumikit sa 'kin? Sa subrang dikit namin ay hindi ko maiwasang malanghap ang amoy niya, infairness ang bango niya.
Binalingan ko siya. "Bf? Hindi ako bakla noh!" sabi ko at umusog ako sa upuan para dumistansya sa kanya pero umusog din siya sa tabi ko. Umusog ulit ako, umusog din siya. Walang mangyayari kapag nagpatuloy akong umusog tapos uusog din naman siya kaya hindi na lang ako gumalaw sa upuan.
"Oh bakit? Wala namang may nagsasabi na bakla ka ah. Alam mo, love is love no matter with whom. kaya ibig sabihin ang pag-ibig ay pag-ibig, kahit sino pwede nating mahalin. Hindi kailang maging opposite sex," sabi niya habang nakatingin sa 'kin.
Anong pinagsasabi niya? Kanila lang Atlantic ocean ang binanggit niya, tapos napunta kay Tristan, napunta sa bf, at ngayon napadpad sa love? Mukha ba akong humihingi ng payo tunkol sa pag-ibig? Mukha ba akong inspired at blooming? O baka naman mukha akong iniwanan? At itong gusto niyang iparating sa 'kin ay 'yong same sex relationship. Open ako sa ideya na 'yon at sa tingin ko walang masama sa same sex relationship dahil naniniwala ako na ang pag-ibig ay para sa lahat. Ang 'di ko lang magets ay bakit niya ito sinasabi sa 'kin? Anong punto niya?
Ngumiwi ako sa kanya. "Hindi ko bf si Tristan at sa tingin ko malabo yata 'yon," sabi ko.
"Okay nice," nakangiting tugon niya at kinindatan ako. Nakaramdam ako ng asiwa dahil sa kindat niya kaya binawi ko ang paningin ko sa kanya.
"So bakit ka nga pala nandito?" pag-iiba ko.
"Pauwi na 'ko, hinihintay ko lang 'yong sundo ko. Nakita kita kaya lumapit na 'ko. Ikaw? May hinihintay ka ba?"
"Ah wala, nagpahinga lang ako dito. Pauwi na rin ako," sagot ko at saka tumayo.
"Gusto mo sabay na tayo? Ipapahatid kita. San ka ba umuuwi?"
"Huwag na, diyan lang ako sa Star Tower."
"Walking distance lang pala. Sige ingat na lang."
"Sige salamat, ikaw din," sabi ko. Tinanguan ko si Fildon at tumalikod na 'ko. Hahakbang na sana ako nang bigla siyang nagsalita. Lumingon ako sa kanya.
"Shero, alam ko kung ano ka," sabi niya na nakatingala sa papadilim na kalangitan.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ko. Alam daw niya kung ano ako. Alam niyang sireno ako? Bigla akong kinabahan. Mga crimson talaga ang tatapos sa buhay ko, magkaka-heart attack yata ako nang wala sa oras dahil sa kanila. Ito ba ang sumpa sa lahat ng mga lumalabag sa time rule ng Yin-Yang?
"Mukhang uulan nang malakas mamaya," sabi niya at hindi sinagot ang tanong ko.
Bahala siya, siguradong pinagtitripan niya lang ako. Tumalikod ako sa kanya at humakbang ngunit natigilan ako.
"Alam ko kung ano ka Shero, magkatulad tayong dalawa. Hindi masamang magbabad sa dagat ng isang beses sa isang linggo. Alam mong kelangan mo 'yon," aniya.
Pinagpatuloy ko ang paglakad. Hindi ako lumingon at umaktong wala akong narinig mula sa kanya. Alam niyang sireno ako at magkatulad daw kami. Sireno rin si Fildon katulad ko. Tinignan ko ang aking mga kamay at braso, maputi at makinis ito pero pagtinitigan mong mabuti makikita mong parang nagdadry ito. Nalaman niyang sireno ako dahil sa balat kong nanunuyo. Tanging sireno lang din ang makakahalata nito. Paminsan-minsan ay kelangan naming mga sireno na magbabad sa tubig dagat para maging maganda ang kutis namin at huwag manuyo. Dalawang linggo na kong hindi nakalusob sa tubig dagat kaya naging dry ang balat ko.
***
Kinabukasan ng madaling araw mga bandang alas tres ay naalimpungatan ako. Bumangon ako at lumapit sa bintana ng aking kwarto. Hinawi ko ang kurtina at nakita ko ang madilim na paligid, malakas ang buhos ng ulan na sinasabayan ng kidlat sa kalangitan sa labas. Binuksan ko ang bintana at nilabas ko ang aking kaliwang kamay, agad kong naramdaman malamig na ulan sa aking balat. Gustong-gusto ko talaga ang ulan.
Bigla kong naalala si mama, parang bigla ko siyang namiss. Mabilis kong kinuha ang aking celphone at tinawagan ko siya. Nasa Tagaytay siya kasama si papa, do'n kasi ang bahay namin. Nakalimang ring bago nasagot ang tawag ko.
"Hello anak, good morning. Kumusta? May problema ba at napatawag ka sa ganitong oras?" may pag-alala sa boses na tanong ni Mama.
"Ma, ok lang po ako. Kukumustahin ko lang po kayo ni papa?" tugon ko.
"Ayos lang kami ng papa mo, huwag kang mag-alala sa 'min."
"Namimiss ko na po kayo," malunkot na bigkas ko at umupo ako sa ibabaw ng kama.
"Namimiss ka na din namin," aniya.
Napatingin ako sa bintana. "Ma umuulan po ba diyan?" tanong ko.
"Oo, malakas nga ang ulan dito eh."
"Umuulan din po dito," sabi ko. "Sige po ma, ibababa ko na po. Matulog na po kayo ulit. I love you."
"Ok anak, I love you too. Mag-ingat ka dyan palagi at mag-aral nang mabuti," bilin niya.
"Ok po. I love you. Bye..."
"I love you anak..." at naputol ang linya.
Humiga ako sa kama at pumikit. Biglang namang pumasok sa isip ko ang mukha ni Tristan, ang baliw na si Tristan. Hindi ko alam kung bakit ko siya naalala, sigurado meron na namang hindi magandang mangyayari kapag nagkita kami mamaya sa Yin-Yang.