YYU - Chapter 7: Yin-Yang Love Birds

 



Biyernes kinubukasan at umuulan pa rin. Alas diyes ang pasok ko kaya alas nuebe pa lang ay tumungo na 'ko sa Yin-Yang. Nagtaxi ako kahit malapit lang ang Yin-Yang dahil malakas ang ulan at siguradong mababasa ako kahit may payong pa 'ko. Pumasok ako sa gate at habang naglalakad ako ay napansin ko ang ibang mga grey at crimson na nakatingin sa 'kin. Nagbubulungan sila habang nakatutok ang kanilang mga mata sa direksyon ko. Bigla na naman akong kinabahan, mukha yatang may chismis tungkol sa 'kin. Alam na ba nila na ako 'yong grey na nagbreak ng time rule? Naku Lord huwag naman sana.


Pinagpatuloy ko ang paglakad at pilit kong inignora ang kaba sa dibdib ko. Pinagsisihan ko talaga ang gabi na bumalik ako dito sa Yin-Yang. Dahil sa pagbreak ko ng time-rule kung kaya parang minalas ako ng subra, malas dahil nagtagpo ang landas namin ni Tristan na master ng blackmail. Hay nakakaasar naalala ko na naman siya. Ano na naman kaya ang ginawa niya?  Sinumbong niya na ba 'ko sa Dean kung kaya ganito na lang kung makatitig itong mga grey at crimson sa 'kin?


Habang naglalakad ako patungo sa building of mathematics ay nakita ko si Lesha. Mabilis siyang lumapit sa 'kin at sinabayan ako sa paglakad. "Good morning," bati ko.


"Good... morning?" aniya at pilit na ngumiti. "So sa tingin ko hindi pa nakarating sa 'yo ang isang balita," sabi niya.


Lumingon ako sa kanya. "Balita?" sabi ko.


"Yes balita," tugon niya. Nakita ko siyang ngumiwi at dahil do'n ay nahuhulaan ko nang hindi maganda ang balitang iyon. Binigyan ko siya ng 'anong problema' na facial expression.



Hindi siya umimik at inabot niya sa 'kin ang hawak na bond paper, isa iyong flier. Napahinto ako sa paglakad at tinignan kong mabuti ang nakasulat at nakadrawing sa flier. Binasa ko ito, "Yin-Yang Love Birds, Shero Grey Love Tristan Crimson," iyon ang nakasulat sa flier at may nakadrawing pa rito na dalawang lalaki na nakasuot nang Yin-Yang uniform na kulay grey at crimson. Nagki-kiss ang mga ito sa drawing.


Napanganga ako. Parang tumigil ang oras at humuni ang mga kuliglig. Speechless ako. 



"Alam na!" sabi ni Lesha. 



Huminga ako nang malalim. "Tristan Armando, ikaw na naman ang may pasimuno nito. Pagnakita kita, kukutusan talaga kita!" naiinis na sabi ko at nilukot ko sa kamay ko ang flier. Kaya pala pinagtitinginan ako ng mga grey at crimson dahil meron palang kumakalat na flier tunkol sa 'ming dalawa.


"Freak! Gay love birds ng Yin-Yang!"



Napalingon ako sa tatlong lalaking crimson na dumaan sa tabi namin ni Lesha. Isa sa kanila ang nagparinig sa 'kin at nagtatawanan sila. Biglang uminit ang tenga ko. Freak? Gay Love birds? Ah gano'n pala ha?!



Hindi ko napigil ang aking sarili at binato ko ang niyukot kong papel sa crimson na nasa gitna. "Hindi ako freak at hindi ako bakla! Kayo ang mga freak!" naiinis na sabi ko sa kanila.



Lumingon silang tatlo sa 'kin. Doon ko lang napagtanto na hindi ko pala dapat ginawa 'yon. Mukhang galit sila lalong-lalo na 'yong nasa gitna na natamaan ko. Napalunok ako nang laway. Oh oh!! Pa'no 'to? Hindi pa naman ako marunong makipagsuntukan.


Lumapit silang tatlo sa 'kin at nakita kong huminto ang ibang mga grey at mga crimson sa walkway para makiusyuso sa 'min. Hinawakan ng crimson na natamaan ko ang kwelyo ko. "Freak ka! Bakla! Grey ka lang, naintindihan mo? Isa ka lang grey, walang kwenta!" sabi niya at lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kwelyo ko. Tinaas niya sa mukha ko ang kanyang kamao.



Nakakatakot siya. Susuntukin niya ko. Pumikit ako at hinanda ko ang aking sarili para sa isang suntok.


"Bitiwan mo siya!"


Dumilat ako at lumingon sa lalaking sumigaw, si Tristan. Namumula ang kanyang mukha at galit. Hindi ko alam pero parang nakahinga ako nang maluwag dahil sa pagdating niya.


Hindi nakaimik ang crimson na nakahawak sa kwelyo ko at nakita ko ang pagkabigla sa kanyang mukha. Binitawan niya 'ko at napaatras naman ako sa tabi ni Lesha. Bigla siyang nilapitan ni Tristan at sinuntok sa mukha. Bumagsak siya sa sahig at sinundan pa siya nang dalawang tadyak ni Tristan. 'Yong dalawang crimson naman na kasama niya ay  hindi gumalaw sa kanilang kinatatayuan, bakas sa mga mukha nila ang takot. Hindi naman ako nakapag-react dahil sa bilis nang pangyayari.


"Makita pa kitang hinahawakan mo siya'y hindi lang 'yan ang matitikman mo! Maliwanag?!" galit na sabi ni Tristan sa nakahandusay na crimson. Ang tinutukoy ni Tristan na siya ay ako. 


Hindi sumagot ang lalaki at isang sipa ang binigay ni Tristan sa kanya. "Sumagot ka!!" sigaw ni Tristan.


"Oo... hindi na mauulit," sagot ng lalaki. Lumapit sa kanya ang dalawa niyang kasama at inalalayan siyang tumayo. Mabilis silang umalis na tatlo.


"Kayo?! Ano'ng tinitingin niyo?! Gusto niyo ring makatikim?! Ha?!"  sigaw ni Tristan sa mga grey at crimson nakapalibot sa 'min. Dahil sa takot siguro kung kaya mabilis silang nagsiatrasan at nagsilayuan. Sa isang iglap lang ay naglaho sila at ang tanging naiwan lang ay kaming dalawa ni Tristan.


Sandali lang. Saan napunta si Lesha? Nawala rin siya. At talagang iniwanan niya 'ko dito kasama si Tristan. Patay malisya naman akong tumalikod. Hahakbang na sana ako nang biglang...


"At saan ka pupunta? Pagkatapos kitang ipagtanggol iiwanan mo 'ko dito?" ani Tristan.


Napakagat ako ng labi. Patay! Ano'ng gagawin ko? Hindi ako pwedeng dumikit sa Tristan na 'to at delikado ang buhay ko sa kanya. Kanina lang nasaksihan ko kung ga'no siya ka-wild, nakakatakot siya kapag galit. Ngayong alam ko nang may pagkahalimaw siya kaya iiwasan 'ko na siya. Para humaba ang buhay ko ay kelangan kong dumistansya sa kanya as soon as possible.


Hindi ako lumingon. "Ma-malelate na kasi ako sa algebra. Mauna na 'ko. Sige alis na 'ko. Salamat sa pagligtas sa 'kin," sabi ko. Ako na talaga ang takot. Sinabi ko pa naman kanina na kapag nakita ko siya ay kukutusan ko siya dahil sa mga nagkalat na fliers tungkol sa 'ming dalawa pero hindi ko na magagawa 'yon. Baka maging fifty-fifty ang buhay ko kapag kinutusan ko siya.


"Sabay na tayo, huwag mong kalimutang nakaassign ako sa class niyo," sabi niya at lumapit sa tabi ko. Umakto siyang parang natural lang at walang suntukan na naganap kanina.


"Ahhh... ganun ba? Si-sige... walang problema," tugon ko. Kawawa naman ako. Bakit kasi iniwanan ako ni Lesha? 'Yan tuloy kasabay ko ang war freak at master ng blackmail na si Tristan.



Magkasabay kaming lumakad ni Tristan patungo sa room at napansin kong umiiwas ng tingin ang mga estudyanteng nadadaanan namin. Siguro takot silang tumingin dahil takot silang pagtripan ni Tristan. At ako naman hindi ko alam kung matutuwa ako dahil ipinagtanggol niya 'ko pero masaya ako dahil hindi ako nagkaroon ng black eye. Buti nga sa epal na crimson na 'yon at nakatikim ng almusal na suntok at sipa.


Pagpasok namin ni Tristan sa classroom ay walang may pumansin sa 'min. Hanep bisi-bisihan 'yong mga classmates ko. Merong nagbabasa, merong nagsusulat at merong nagkukwentuhan. Alam kong nagkukunwari lang silang busy dahil ang totoo'y takot sila kay Tristan dahil sa ginawa nito kanina. 


Dumiretso ako sa upuan ko at sumunod naman sa 'kin si Tristan at tumayo sa center aisle sa tabi ni Lesha. Binulsa niya ang dalawang kamay sa kanyang pantalon at parang may hinihintay, batay sa kilos niya ay gusto niyang umupo sa pwesto ni Lesha. Nakuha naman ni Lesha ang gusto nitong mangyari.


"Ay Shero do'n na 'ko sa likod sa tabi ni Canzo," sabi ni Lesha at mabilis pa sa alas kwatro na nilisan niya ang kanyang silya. Hindi man lang niya 'ko pinagsalita. Lumingon ako sa likuran at nakita ko siyang tumabi kay Canzo na busy sa pagsusulat. Anong nangyari sa dalawang 'yon? Gano'n ba katindi ang takot nila kay Tristan at kung makaiwas sila ay wagas?


Napatingin ako kay Tristan nang umupo siya sa silya na iniwan ni Lesha at nagcross leg. Tahimik ko siyang pinanood at nakita kong dinukot niya sa kanyang bulsa ang kulay puting ipod at sinuot niya sa kanyang tenga ang earphone niyon at nagsimulang makinig ng music. So, ang isang war freak na halimaw pala na katulad niya ay isang music lover? Ano naman kaya ang pinapakinggan niya?Binalingan niya 'ko at nakita kong kumunot ang kanyang noo kaya mabilis kong iniwas ang tingin ko sa kanya. Baka bigla niya kong lapain kaya mabuti nang umiwas.


Nilingon ko ang katabi ko na si Erson, siya ang katabi ko at si Lesha kapag alegbra. Wala siyang imik at abala sa pagbabasa ng aklat. "Erson? Ano 'yang binabasa mo?" tanong ko.


"Nothing," sagot niya.


"Nothing ang title? Sino'ng writer?" sunod na tanong ko at kinuha ko sa kanya ang libro dahil may napansin akong hindi tama. "Ayan nagbabasa ka na baligtad ang libro," sabi ko. Inayos ko nang tama ang libro dahil nakabaligtad ito at ibinalik ko sa kanya. Obviously hindi siya nagbabasa, sigurado akong front lang itong libro para kunwari ay busy siya at hindi pwedeng isturbohin katulad sa iba naming mga kaklase.

"Shero that's my style," sabi niya.


"O...kay," sabi ko at tumango-tango.


Binawi ni Erson ang paningin sa 'kin at binalingan niya ang hawak na libro. Okay gets ko na, lahat ng kaklase ko ngayon ay umiiwas sa 'kin dahil sa nangyari kanina. For sure sa ngayon nasa safety precaution alert silang lahat at ayaw nilang mainvolve sa 'kin dahil baka madamay sila sa gulo ko. Thank you kay Tristan at dahil sa kanya iniiwasan ako ng lahat.


Lumingon ako sa likuran at saktong paglingon ko roon ay nakita kong bumukas ang pinto at pumasok si Fildon. Nakita ko siyang ngumiti sa 'kin at kumaway, isang tipid na ngiti at tango naman ang itinugon ko. Mabilis siyang lumapit sa kinaroroonan ko at sabay kaming napaangat ng ulo ni Tristan sa kanya.


"Good morning," bati niya nang makalapit sa 'kin. "Shero may sasabihin ako sa 'yo importante," aniya.


"Ano 'yon?" tanong ko.


"Sa labas ko na sasabihin sa 'yo," sagot niya at hinawakan niya ang kanang kamay ko. 


Akma na 'kong hihilahin ni Fildon nang biglang hinawakan ni Tristan ang braso ko at pinigilan niya si Fildon. Kumunot ang noo ko at pinalipat-lipat ko ang paningin ko sa kanilang dalawa. Seryuso ang mga mukha nila. Hindi ko alam kung ano'ng dahilan ni Tristan kong bakit niya pinigilan si Fildon at hindi ko rin alam kung gaano kaimportante ang sasabihin ni Fildon at kelangan pa sa labas. Mukhang gulo na naman 'to? Ano ba kasi tong nangyayari? Bakit ako naiipit sa ganitong eksena? 



Hinila ni Fildon ang kamay ko at hinila din ito pabalik ni Tristan. Hinila ulit ni Fildon, hinila na naman ni Tristan. Aray! Sa totoo lang masakit 'yong ginagawa nila, nararamdaman kong lalong humihigpit ang pagkakahawak nila sa kamay ko. Mababalian yata ako dahil sa kanila.


Napansin nang katabi kong si Erson ang hilahang nagaganap kaya mabilis siyang tumayo at walang paalam na nilisan ang silya. Nag-alsa balutan din siya katulad ni Lesha, takot siguro matalsikan ng dugo kaya umalis. Binitiwan naman ni Fildon ang kamay ko kaya bumitaw na rin sa braso ko si Tristan. Sunod ay umupo si Fildon sa nilisan na upuan ni Erson at ngayo'y napapagitnaan na nila akong dalawa ni Tristan. Ang galing ng set-up, nasa gitna ako ng dalawang crimson. Nasa gitna ako ng dalawang bomba na ano mang oras ay pwedeng sumabog


Bigla akong napakunot ng noo. Ano pala ang problema ng dalawang 'to at kung umakto sila para silang mga bata? Dapat magkasundo sila dahil pareho silang crimson at partner sila sa assignment na pagpupulis sa 'ming mga grey pero mukha yatang magkagalit sila?


"Love birds ng Yin-Yang, totoo ba 'yon Shero?" ani Fildon.


Napalingon ako sa kanya. "Hindi ah, hindi totoo 'yon. Hindi ko alam kung sino'ng nagpakalat no'n," tugon ko at medyo nilakasan ko ang aking boses para marinig ni Tristan. Iniisip kong may kinalaman siya sa pagkalat ng mga fliers tunkol sa amin na hindi naman totoo. Feeling ko gusto niya kong inisin at pagtripan kaya lumabas ang mga fliers na 'yon.


"For sure crimson radar club ang may kagagawan no'n, under sila sa Yin-Yang publishing club. Kapag nakarating sa kanila ang mga balita maganda man o pangit, basta totoo asahan mo nang kakalat ito sa buong campus," pagbibigay impormasyon ni Fildon.


So hindi pala si Tristan ang may kagagawan kundi ang mga chismosang crimson ng radar club. Sa totoo lang wala pa akong masyadong alam dito sa Yin-Yang dahil bukod sa magto-two months pa lang ako dito simula no'ng pasukan ay crimson din ang humahawak sa lahat ng club ng University. Ang crimson society ang humahawak sa Yin-Yang at kaming mga grey ay sunod-sunoran lang. Busy ako sa pag-aaral kaya wala akong alam sa existence ng radar club na 'yan, sila yata ang grupo ng mga chismosa ng Yin-Yang. Nabiktima pa nila ako pero ang tanong, pa'no nakarating sa kanila ang kwento na hinalikan ako ni Tristan? Sigurado isa sa mga classmate ko na makati ang dila ang nagkwento sa kanila.


"Mga chismosa pala ang mga crimson. Hindi naman totoo na love birds kami ni Tristan pero bakit nila kinalat?" nakaismid na sabi ko.


"Hindi totoong lovebirds kayo pero naghalikan kayo sa harap ng ibang estudyante. Ano sa tingin mo ang iisipin ng mga nakakita? Dahil do'n sikat ka na ngayon," sabi ni Fildon.


"Sikat sa kalokohan?" tugon ko. "At saka hindi ako bakla noh, dahil sa mga chismosang crimson na 'yan iisipin ng ibang estudyante na bakla ako."


"Well, gano'n talaga. By the way nasagap ko ang balita kanina. Anangyari?" aniya.


"Ayuko nang pag-usapan yo'n," sagot ko at nagbuntong hininga. Kahit papa'no matinong kausap itong si Fildon at magaan ang loob ko sa kanya, siguro iyon ay dahil pareho kaming may buntot ng isda. I mean siguro dahil pareho kaming sireno.


Continue Chapter 8